Dapat makatotohanan at hindi bloated ang mga ulat na pinsala sa agrikultura mula sa mga bayan ng Cagayan.

Ito ang napagkasunduan noong Biyernes, September 21 sa ginanap na Municipal at City Agriculturists Meeting sa Provincial Capitol, Alimannao Hills, Tuguegarao City.

Sinabi ni Governor Manuel Mamba na dapat magkaroon ng makatotohanang report sa damages ang mga munisipyo upang maibigay ang tamang tulong sa talagang nangangailangan.

“Dapat truthful at hindi bloated ang ating mga ulat para hindi masayang ang pera ng gobyerno para sa rehabilitation,” ani Governor Mamba.

“Pag-usapan natin ang criteria kung paano maibigay ang ayuda sa mga tunay na apektado at maliliit na mga magsasaka. Dapat walang palakasan dito.”

Ayon naman kay Special Assistant to the Governor on Agriculture at Acting Provincial Agriculturist, Dr. Pearlita Lucia Mabasa, mayroon na silang hinahawakang masterlist ng tunay na mga magsasaka sa buong lalawigan bilang basehan sa rehabilitasyon.

Samantala, sinabi naman ni Regional Technical Director Robert Olinares ng DA-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) na mayroon ng available na 750 kilogramong vegetable seeds na maaring ibahagi sa darating na linggo.

“Kasalukuyan ng iniimpake ang mga ito para handa na kapag mayroon ng masterlist na galing sa mga munisipiyo at probinsiya,” ani Olinares.

“Ang abiso po ni Regional Executive Director Narciso Edillo ay magkaroon mabilisang assessment at validation sa buong rehiyon upang makita ang kabuuang pinsala.”

Ipinaalam din ni Dr. Ernesto Guzman, Rice Program Focal Person na dapat pag-usapang mabuti kung sinu-sino at paano ang distribusyon ng tulong.

“Mayroon na po tayong mga pre-positioned rice and corn seeds sa mga probinsiya,” aniya.

“Maganda ang ginawa ng probinsiya na listahan ng mga smallholder farmers. Sana gayahin ito ng mga munisipiyo para mas mabilis ang pagpaplano kung darating ang ganitong mga pagkakataon.”

Sa bandang huli, nagkasundo ang DA-RFO 02, PLGU Cagayan, mga munisipiyo at ilang ahensiya na bilisan ang joint field validation at magkaroon ng katanggap-tanggap na damage report para sa buong lalawigan sa lalong madaling panahon.

Ang MA’s meeting naman sa Isabela at ilan pang probinsiya sa lambak ng Cagayan ay gaganapin sa darating na linggo.

#OmpongRehabStarts
#KayangKayaKungSamaSama