Aabot sa 17,132 na magsasaka sa Lambak ng Cagayan ang makatatanggap ng tig-limang libong piso sa ilalim ng programang Financial Subsidy to Rice Farmers (FSRF) na isasakatuparan ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang pahayag ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng DA Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) Region 02 kahapon, Abril 8.
Aniya, 600,000 ang magiging benepisaryo ng FSRF at ito ay mayroong tatlong bilyong pisong pondo mula sa national government.
“Gusto kong linawin na ang FSRF ay iba sa isinakatuparang Rice Farmers Financial Assistance o RFFA bago nagkaroon ng COVID-19.”
Sinabi ni Edillo na ang mga probinsiya ng Cagayan at Isabela at mga magsasakang nagmamay-ari lamang ng kalahating ektarya pababa ang kasali sa programa.
“Ang mga hindi nakasama sa RFFA ang siyang mga beneficiaries ng FSRF,” ani Edillo.
“Sa ngayon ay nakikipag-usap na kami sa Land Bank of the Philippines (LBP) sa proseso ng pagbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng claim stub.”
Idinagdag pa ni Edillo na pinabibilisan na niya ang validation at pagsusumite ng listahan upang masimulan ang distribusyon pagkatapos ng semana santa hindi lamang para sa FSRF kundi maging sa RFFA.
Samantala, siniguro ni Edillo na ang rehiyon ay may sapat na suplay ng pagkain sa loob ng pinalawig na Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang ika-30 ng Abril, 2020.
Ayon sa kanya, nagsisimula na ang anihan sa palay at ayon sa National Food Authority (NFA), mayroong buffer stock para sa susunod na mga buwan.
“Sa gulay, patuloy ang operasyon ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at mga producer natin sa iba pang mga probinsiya,” sambit nito.
Patuloy rin ang operasyon ng KADIWA ni Ani at Kita sa lahat ng pitong research stations at katunayan, inumpisahan na ang “Kadiwa on Wheels” kung saan hinahakot ng sasakyan ng DA RFO 02 ang mga gulay ng mga magsasaka/FCA upang maibenta sa mga barangay na napili ng LGUs.
“Puspusan din ang pagbibigay natin ng mga assorted vegetable seed sa mga LGUs at interesadong pamilya upang magkaroon ng sariling pagkukunan ng pagkain sa buong rehiyon.”
Sa darating na taniman, sinabi ni Edillo na nakipag-ugnayan na rin ang DA sa National Irrigation Administration (NIA) sa suplay ng patubig para sa early planting ng palay sa darating na buwan ng Mayo.
“Nakiusap na rin tayo sa ating mga lokal na pamahalaan sa distribusyon ng mga binhi sa kanilang mga lugar. At upang mapabilis ang movement, nagbigay na tayo ng mga certification at ID sa mga magsasaka at agricultural extension workers para hindi maantala ang kanilang mga trabaho sa bukid at opisina,” aniya.
“Dapat magkaroon tayo ng tuluy-tuloy na produksiyon ng pagkain at hindi magdepende sa importasyon.”
(With reports from Hector Tabbun)