Upang tugunan ang mga hamong kinahaharap ng sektor ng agrikultura at pangingisda sa Lalawigan ng Cagayan ay isinagawa ang isang pagpupulong sa inisyatibo ni Gov. Edgar “” Egay” Aglipay at sa pangunguna nina Atty. Asis G. Perez, Undersecretary for Policy, Planning and Regulations ng Department of Agriculture at Dr. Rose Mary G. Aquino, Regional Executive Director ng DA Regional Field Office No. 2. Ang mahalagang ugnayang ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mga Local Government Unit (LGU) at iba’t ibang agri-fisheries stakeholders sa lalawigan noong Hulyo 14,2025, sa Anquiray, Amulung, Cagayan.
Sa unang bahagi ng dayalogo ay nagtipon ang mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan at tinalakay kung paano patuloy na matutulungan ang kanilang mga magsasaka na mapataas pa ang kita, mapababa pa ang gastos sa produksyon, at mabigyan pa ng angkop na tulong tulad ng agricultural inputs at iba pang interbensyon sa pagsasaka.
Sumunod ang talakayan kasama ang mga rice traders, millers, farmers, farmers cooperatives at associations, vegetable growers, mangingisda, at livestock raisers, kung saan direkta nilang naipahayag ang mga hamon na kanilang kinakaharap at ang mga tulong na inaasahan nila mula sa lalawigan at sa kagawaran.
Naging malaking bahagi ng pagpupulong ang lumabas na impormasyon ukol sa kasalukuyang sitwasyon ng mga imbakan ng palay ng mga traders, millers at ng mga kooperatiba. Napag-alaman na puno ang mga bodega dahil sa unang bahagi ng taon ay nagsimula ng mag imbak at mamili ng palay sa mas mataas na presyo ang mga nabanggit na stakeholders. Ito ang dahilan upang hindi muna sila bumili at iwasan ang pagkalugi dahilan sa pag iiba ng presyo ng palay sa ngayon. Naging malaking epekto ito sa ilang magsasaka na sapilitang binebenta ang kanilang mga aning palay sa mas mababang presyo upang hindi rin tuluyang malugi. Patuloy naman ang pagbili ng NFA sa mga magsasaka na naayon sa kapasidad ng kanilang mga warehouse sa rehiyon.
Tiniyak naman ni Usec. Perez na iko-consolidate ang lahat ng rekomendasyon at hinaing mula sa mga kalahok upang ito ay maiparating sa ating Pangulo Ferdinand Marcos Jr. at kay Secretary Franciso Tiu Laurel Jr. Dagdag pa niya, mahalagang marinig mismo mula sa kalahok ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda upang makabuo ng mga konkretong hakbangin at polisiyang akma sa kanilang pangangailangan.
Samantala, ayon naman kay Dir. Aquino, ay magiging prayoridad at magsisilbing batayan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 ang mga datos na nakalap upang mas mapaayos at mapaunlad ang Agriculture and Fishery Development Plan and Program ng Lalawigan ng Cagayan.
Storya: Castle Castillo, Jhoana Bassig
Litrato: Lleyton John Concepcion