Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, Jr. at Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka Francisco T. Laurel, Jr., nagtipon-tipon ang mga pamunuan ng DA Rehiyon 2, lokal na pamahalaan, katuwang ang mga magsasaka sa Lambak ng Cagayan upang pag-usapan ang hinaing, sentimyento at pasasalamat ng mga magsasaka sa simpleng ginanap na Kapehan at Agrikwentuhan kasama si Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino.
Ilan sa mga napag-usapan ang distribusyon ng binhi at abono, mekanismo sa pagrereport ng pinsala sa mga pananim dulot ng likas na kalimidad, presyo ng mais at palay sa National Food Authority (NFA), at iba pa.
Nagpaabot naman ang kasalukuyang Quirino Provincial Agricultural and Fishery Council Chairman na si Ginoong Bernardo Soriano sa ahensya: “Ako’y hindi magtatanong kundi ako’y magpapasalamat sa DA Region 02, dahil lahat ng munisipalidad sa Quirino ay nakalista na para sa pagpondo ng iba’t-ibang proyekto ng DA hanggang sa taong 2026.”
“Nagpapasalamat kami sa DA dahil ang mga farmers namin ay nakaregister na rin sa system [RSBSA],” ani ni Ginoong Dumon Mabborang, isang lider ng kooperatiba sa Cagayan.
Ayon kay RED Aquino, ang ganitong pagdaraos ay napakainam na paraan ng administrasyon upang mapakinggan ang boses at suhestyon ng mga magsasaka sa pamayanan sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Dagdag pa nito, ang dayalogong ito ay magpapatuloy pa sa iba’t-ibang lugar sa Rehiyon sa mga susunod na araw.
Samantala, mula sa apat (4) na vulnerable sectors bilang mga kwalipikadong makakabili ng P20 kilong bigas, sapangkat ang mga magsasaka ay mapapabilang na rin sa minimum wage earner.
Kabilang sa mga dumalo ay ang mga miyembro at liders ng Farmer’s Cooperative and Associations (FCAs) at Agricultural and Fishery Councils (AFCs), mag-aaral mula sa Cagayan State University (CSU), Municipal Agriculturists sa iba’t-ibang munisipyo. Kasama rin sina RTD Roberto C. Busania at Kay S. Olivas, at iba pang opisyales ng DA-RFO 02.
Storya: Julian Florague
Litrato: Erwin Cachero