Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang inspeksyon ng kabubukas muling NFA Warehouse sa bayan ng Roxas, Isabela nitong Hunyo 20, 2025. Kasama nya sa kanyang pagbisita sina NFA Administrator Larry Lacson at Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino.
Ang Roxas Warehouse ay isa sa tatlong warehouse ng NFA sa probinsya ng Isabela na sumailalim sa rehabilitasyon. Anim sa sampung NFA warehouse sa buong rehiyon ng Cagayan Valley ang natapos ng kumpunihin at nagsimula na muli ang operasyon. Layunin ng rehabilitasyon na tuluyang mapalakas ang sistema sa NFA na naaayon sa mas malawak na agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno ang istruktura ng agrikultura at maibalik ang kakayahan ng bansa na makapag-imbak ng pagkain sa ilalim ng Masagana Agri-Food Infrastructure Modernization (MAFIM).
Ayon sa Agriculture Secreaty Laurel, bagamat hindi nadagdagan ang storage capacity ng mga warehouse na ito, tinutukan ang pag-upgrade sa kaligtasan, integridad ng istruktura, at operational efficiency ng mga warehouse upang tumugon sa modernong pamantayan sa pag-iimbak. Sa tulong nito ay mapapanatili ang kalidad ng bigas at mapalalawig ang shelf life ng buffer stocks.
Pagkatapos ng inspeksyon ay nakaipagtalakayan si Sec. Laurel sa mga indibidwal na magsasaka, mga miyembero ng ibat ibang kooperatiba, agricultural extension workers, Municipal Agriculturists at mga Punong Alkalde na nagmula sa iba ibang bayan sa rehiyon. Sumama rin sa pulong ang ibat bureaus at ahensya sa ilalim ng Department of Agriculture.
Ayon sa kalihim, personal siyang nakikipag ugnayan sa mga magsasaka ng iba’t ibang rehiyon upang pakinggan at malaman ang kanilang mga pangangailangan na naaayon sa kanilang mga lugar. Naibahagi din ng kalihim ang mga paparating na tulong mula sa DA at NFA upang mabawasan ang pagkalugi sa ani, maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at magkakaroon ng malaking papel sa pagtatatag ng mas malusog na food supply chain.
“Marami rin po akong natutunan, narinig na suggestions at nakumpirmang mga idea na narinig ko mula sa inyo. Gagamitin ko itong knowledge na ito para mapaganda pa ang takbo ng ating rice industry at sana mapaayos ko pa po ang buhay ninyo.” ani Secretary Tiu Laurel.