Bilang paghahanda sa ganap na pagpaparehistro bilang kooperatiba, isinagawa ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), katuwang ang Cooperative Development Authority (CDA), ang Cooperative Readiness Assessment at Pre-Registration Seminar para sa apat na grupo ng mga magsasaka sa ilalim ng F2C2 Clusters noong Hunyo 18, 2025, sa DA RFO 02 Training and Administration Center sa San Gabriel, Lungsod ng Tuguegarao.

Alinsunod sa layunin ng capacity building, binigyang-diin sa seminar na ito ang mga sumusunod na mahahalagang layunin: Mapabilis ang proseso ng pag-access ng tulong o interbensyon mula sa DA o gobyerno para sa mga FCA, tungo sa F2C2-oriented na produksyon, marketing, at processing enterprise. Itinatampok dito ang bagong mukha ng FCA-based agri-enterprise, kung saan lalong kikita at magiging business-oriented ang mga kooperatiba bilang bahagi ng layunin tungo sa Bagong Pilipinas. Tinalakay rin ang kahandaan ng mga grupo sa organisasyon, kapitalisasyon, pagsunod sa prinsipyo ng kooperatiba, at iba pang hakbang upang makabuo ng opisyal na kooperatiba. Ang mga makakapasa ay irerekomenda sa CDA para sa pormal na pagpaparehistro.

Lumahok sa naturang aktibidad ang apat na Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) na may kanya-kanyang napiling pangalan para sa kanilang magiging kooperatiba. Kabilang dito ang: Rizal Mango Growers Agriculture Cooperative mula sa Rizal, Cagayan; Barilla Minallo Small Water Irrigation System Agriculture Cooperative mula sa Naguilian, Isabela; Ballesteros Agriculture Cooperative mula sa Ballesteros, Cagayan; at Claveria Poultry Raisers and Livestock Agriculture Cooperative mula sa Claveria, Cagayan.

Bilang kinatawan ng F2C2 Program ng DA RFO 02, nagbigay ng pambungad na mensahe si Ginoong Jaylord Bagasin, na bumati sa mga onsite at virtual na kalahok. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang papel ng enterprise development sa F2C2 Program at nilinaw na ang mga kooperatiba ay mga lehitimong business entities.

Ibinahagi rin ni Bagasin na sa kasalukuyan ay mayroong 88 F2C2 clusters sa Rehiyon 02 na sumasaklaw sa kabuuang 90,610 ektarya at may 53,937 miyembrong magsasaka. Ipinakilala rin niya ang bagong tatag na Agricultural Cooperative Enterprises Development (ACED) Services.

Samantala, bilang kinatawan ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino, nagbigay rin ng mensahe si Research for Development (R4D) Chief Hector U. Tabbun. Iginiit niya na nakalaan sa mga organisadong grupo tulad ng mga kooperatiba ang mga pangunahing interbensyon gaya ng makinarya at post-harvest facilities dahil mas kaya nilang pamahalaan at mapanatili ang mga ito. Hinimok din niya ang mga asosasyon ng mga magsasaka na maging kooperatiba upang mapabuti ang operasyon at makamit ang mas matatag na kaunlarang pangkomunidad.

Ani ni Tabbun, “If you want to be strong, go alone, but if you want to be stronger, go together.”

Ipinaliwanag naman ni Ms. La Pia Paula Napuli-Carpio ng F2C2 National Program Management Office mula sa central office ang tungkol sa Cooperative Readiness Assessment at ang mahalagang papel ng ACED Services sa pagpapaunlad ng mga kooperatiba. Kabilang dito ang ugnayan ng DA, CDA, at DILG, pagbibigay-gabay sa mga kooperatiba, at patuloy na suporta sa mga magsasakang nais maging kooperatiba.

Storya at Litrato: Paul Buenavista