Upang mapagtibay ang paglikha ng mga inobasyong makatutulong sa kabuhayan ng mga magsasaka, nagsagawa ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 (DA-RFO 2), sa pamamagitan ng Isabela Experiment Station (IES), ng Backyard Egg Production Enterprise (BEPE) Field Day noong Agosto 6, 2025.
Ang mga lumahok sa aktibidad ay binubuo ng mga asosasyon ng magsasaka, kababaihan, at kabataan na pawang mga benepisyaryo ng mga ready-to-lay hens, native chickens, at chicks na nagsisilbing panimulang puhunan sa kanilang kabuhayan. Ilan sa mga ito ay ang Barangay Anao Agriculture Development Association, ISU Agriculture Students, Diakono Senior Citizen Association, Shepherds Agriculture Cooperative, at Go Wow Gamu Chapter.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Rose Mary G. Aquino ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya bilang tugon sa mga hamon ng kabuhayan sa sektor ng agrikultura. Ipinunto rin niya ang mahalagang papel ng mga mananaliksik sa pagbuo ng mga solusyong angkop sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka. Aniya, “Ang mga inobatibong teknolohiyang ipinapakita ngayon ay bunga ng inspirasyon at motibasyon na nagmumula sa pangangailangan ng ating mga magsasaka. These are truly the ‘need of the time’.”
Bilang bahagi ng aktibidad, isinagawa ang isang technical briefing sa pamamagitan ng aktwal na mga demonstrasyon at lecture. Sa mga ito, natutunan ng mga kalahok ang iba’t ibang teknolohiyang bunga ng pananaliksik na isinusulong ng DA-RFO 2 bilang bahagi ng inisyatibong “Research 4Solutions”.
Ilan sa mga tampok na teknolohiya ay ang Custom-built Fixed Coop, isang matibay na estrukturang may maayos na insulation at disenyo upang mas mapangalagaan ang mga manok. Ipinakita rin ang Custom-built Mobile Coop, na hindi lamang nakatutulong sa pagpapababa ng gastos sa pagpapakain kundi nagbibigay rin ng mas malinis na kapaligiran para sa mga manok. Bukod dito, ipinakilala rin ang IES Egg Roll Express, isang E-Trike na kayang magdala ng 1,000 hanggang 1,500 itlog kada araw na may potensyal na gross income na humigit-kumulang P5,000 kada delivery. Tampok din ang Modular Movable Chicken Coop na madaling ilipat at angkop para sa mga limitadong espasyo.
Bukod sa mga istruktura, nagkaroon din ng demonstrasyon sa tamang pamamaraan ng egg collection, storage, at grading. Itinuro rin ang paggawa ng homegrown feed at tamang feeding techniques upang mapabuti ang kahusayan at pagiging epektibo ng egg production sa mga komunidad.
Inaasahan na sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito ay makakamit ang pagtaas ng produksyon ng itlog, mas sapat na suplay sa mga target na komunidad, pagpapalago ng kita mula sa bentahan ng itlog at pagpapalaki ng free-range chickens, at sa kalaunan, ang pagpapalakas ng egg self-sufficiency sa rehiyon.
Istorya: Castle Castillo, Camille Francisco
Larawan: Neville Jay Ramirez