Bilang pagpupugay sa kasipagan at mahalagang papel ng mga magsasaka at mangingisdang Ilagueño, nakiisa ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 2 sa selebrasyon ng ika-13 Anibersaryo ng pagiging lungsod ng Ilagan na ginanap ngayong araw, Agosto 11, 2025, sa Capital Arena, City of Ilagan, Isabela.

Pinangunahan ni DA RFO 2 Regional Executive Director Rose Mary Aquino ang delegasyon ng ahensya bilang pakikiisa sa makasaysayang pagdiriwang. Sa kanyang pambungad na talumpati, pinasalamatan ni Hon. Mayor Jay L. Diaz ang DA RFO 2 sa patuloy na suporta nito sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga Ilagueñong magsasaka at mangingisda.

Isa sa mga tampok na anunsyo ay ang nalalapit na pagbubukas ng I-Corn Complex, isang pasilidad para sa processing at postharvest ng mais na layuning mapabuti ang kalidad ng mga produktong corn-based. Ayon sa alkalde, ang nasabing estruktura ay inaasahang magbibigay ng komprehensibong suporta sa mga lokal na magsasaka ng mais hindi lamang sa Ilagan kundi maging sa mga karatig-lalawigan sa Rehiyon 2.

Bilang bahagi ng selebrasyon, namahagi ang DA RFO 2 ng 6,900 bags ng fertilizer sa mga piling magsasaka bilang pagkilala sa kanilang sipag at dedikasyon sa pagbibigay ng pagkain sa bawat hapag ng pamilyang Ilagueño.

Samantala, nag-abot ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga gill nets sa mga mangingisda upang mas mapalago ang kanilang hanapbuhay. Namahagi rin ang Pamahalaang Lungsod ng Ilagan ng mga baka sa mga benepisyaryo bilang suporta sa kanilang kabuhayan at sa patuloy na pagsulong ng sektor ng agrikultura.

Ang temang selebrasyon ngayong taon ay nagpapatunay sa matibay na pagtutulungan ng pambansang ahensya at lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng mga tunay na bayani ng pagkain—ang mga magsasaka at mangingisda ng Ilagan.

Storya at mga larawan: Camille Francisco