Inilunsad ngayong Agosto 1, 2025, ang CHAMPouradu bilang pinakabagong food innovation ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pagbubukas ng ika-148 Patronal Town Fiesta at ika-7 Peanut Festival ng bayan ng Enrile, Cagayan na kinikilala rin bilang Peanut Capital of the Philippines.
Ang CHAMPouradu ay isang masustansyang bersyon ng paboritong tsamporado, ngunit sa halip na purong malagkit na bigas at komersyal na chocolate powder ang gamitin, ito ay gawa sa OPV glutinous corn grits na may mababang glycemic index bilang alternatibo sa 50% ng malagkit, at processed peanut balls, tablea balls, at ground roasted peanuts na produkto ng mga Farmers’ Cooperative Associations (FCAs) ng Enrile. Ito ang nagsisilbing natural na pampalasa kapalit ng commercial choco powder, na siya ring sumisimbolo sa letrang “P” sa pangalan nitong CHAMPouradu, na nangangahulugang Peanut.
Pinayaman pa ito ng butter at gatas ng kalabaw, na lalong nagpataas sa antas ng nutrisyon at linamnam ng meryendang ito.
“Natikman ko na ito, at talagang masarap at masustansiya. Ipapatronize namin ito sa aming bayan bilang suporta rin sa aming peanut farmers. Palalaguin namin ito at balang araw, makikita ito hindi lamang sa aming bayan kundi nakadisplay na rin sa mga iba’t ibang grocery stores sa buong Cagayan at iba pang mga lugar. Ang CHAMPouradu ay isa ring magandang solusyon laban sa malnutrition sa mga bata,” ani Mayor Miguel Decena.
Samantala, pinuri ni DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino ang kontribusyon ng mga peanut farmers sa likod ng tagumpay ng produkto.
“The CHAMPouradu is dedicated to all peanut farmers of Enrile. Walang kwenta ang event na ito kung wala ang ating mga farmers,” aniya.
Bilang dagdag na suporta, ipinahayag rin ni Director Aquino na palalakasin pa ng DA RFO 02 ang populasyon ng mga kalabaw sa bayan upang madagdagan ang suplay ng gatas bilang isang pangunahing sangkap ng CHAMPouradu.
“Hindi lamang ito nutritious food kundi maituturing din na tourism food. How I wish, years from now, the agriculture industry of Enrile progressed because of this champion cup of CHAMPouradu,” dagdag pa niya.
Ang pag-usbong ng CHAMPouradu ay sumisimbolo sa masustansyang inobasyon at matagumpay na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga magsasaka, at ng sektor ng agrikultura para isulong ang nutrisyon, kabuhayan, at mas maunlad na bagong Pilipinas.
Istorya: Barby L. Balcita
Larawan: Kenneth M. Tacus