MALLIG, ISABELA – Isang bagong kabanata ang nagbukas para sa mga Persons with Disability (PWD) sa Mallig, Isabela matapos pormal na i-turn over ang isang bio-secured swine housing facility sa Isabela Marginalized Person with Disability Agriculture Cooperative, Hulyo 11, 2025.

Ang makabagong pasilidad ay matatagpuan sa Barangay San Jose Sur, Mallig, Isabela. Ang kooperatiba, na dating kilala bilang Mallig Person with Disability Association na itinatag noong 2016 upang tulungan ang mga PWD na mapaunlad ang kanilang pamumuhay, ay naging Isabela Marginalized Person with Disability Agriculture Cooperative noong 2022.

Ang pagbabagong ito ay naglalayong palawakin ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng agrikultura, partikular na sa pagbababuyan.

Malaking suporta ang ibinigay ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DARFO2) at ng Local Government Unit (LGU) ng Mallig upang maisakatuparan ang proyektong ito sa ilalim ng INSPIRE Program.

Ang pasilidad ay inaasahang magbibigay ng mas ligtas at epektibong pamamaraan ng pagbababuyan, na makatutulong sa pagpapalago ng kabuhayan ng mga miyembro ng kooperatiba. Sa seremonya ng turnover, ipinahayag ng mga miyembro ng kooperatiba ang kanilang taos-pusong pasasalamat at pangako na pahahalagahan at pangangalagaan ang pasilidad.

Anila, ang proyektong ito ay simbolo ng kanilang pagkakaisa at masidhing pagpupursige na maiangat ang kanilang kalagayan. Ang bagong pasilidad ay hindi lamang magbibigay ng dagdag na kita kundi magpapatunay din sa kanilang kakayahan at kontribusyon sa komunidad.

Samantala, sa parehong araw, tinurn-over din ang P5.5 milyong halaga ng INSPIRE Facility sa MALLIG DAIRY MULTI PURPOSE COOPERATIVE. Dumalo at tinanggap ang pasilidad para sa kooperatiba si G. Jose Calderon, ang kanilang chairman. Ang pagkakaloob ng pasilidad na ito ay inaasahang magpapalakas sa industriya ng baboy sa Mallig at susuporta sa mga magsasaka sa lugar.

Ang pagkakaloob ng mga INSPIRE Facilities na ito ay bahagi ng patuloy na programa ng DARFO2 upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa rehiyon at suportahan ang iba’t ibang kooperatiba para sa mas produktibo at masaganang ani.

Storya: Manases Lacambra
Litrato Mae Maguddayao