Isa ang Department of Agriculture (DA) Region 02 sa mga rehiyong agad na makikinabang sa inilunsad na Mobile Soil Laboratory (MSL) ngayong Hunyo 30, 2025, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layunin ng MSL na gawing mas accessible, mabilis, at praktikal ang pagsusuri ng lupa para sa mga magsasaka, lalo na sa mga malalayong lugar. Gamit ang kombinasyon ng routine at rapid analysis sa tulong ng soil test kits, agad na malalaman ang kondisyon ng lupa at angkop na abono para dito.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang proyektong ito ay bahagi ng paggamit ng siyensya at teknolohiya upang paigtingin ang produksyon sa agrikultura at itaas ang kita ng mga magsasaka.

Sa ilalim ng pamumuno ng DA, 16 na Mobile Soil Laboratories ang ipinamahagi sa bawat rehiyon upang magsagawa ng on-site soil analysis sa mga lalawigan.

Para sa Rehiyon 02, ang MSL ay inaasahang magiging susi sa pagbibigay ng agarang gabay sa mga magsasaka pagdating sa tamang paggamit ng inputs at pagpili ng pananim, kahit nasa mga malalayong taniman. Isa itong hakbang patungo sa mas mababang gastos sa produksyon at mas mataas na ani para sa mga magsasaka sa lambak ng Cagayan.

Inaasahang isusunod na rin ang pagpapatayo ng permanenteng soil laboratories sa mga rehiyon bilang bahagi ng long-term strategy ng pamahalaan sa pagsusulong ng modernong agrikultura.

Storya: Barby Balcita
Litrato: Presidential Communications Office