Mahigit P22 milyong halaga ng interbensiyon ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Program (NUPAP) nito lamang Hunyo 25, 2025sa DA-Isabela Experiment Station (DA-IES), Upi, Gamu, Isabela, bilang suporta sa bagong mukha ng modernong pagsasaka sa Rehiyon Dos.
Layunin ng NUPAP na ipakita sa mga magsasaka at kabataan ang posibilidad na kumita ng mas malaki kumpara sa dati nilang kinikita. Naglalayon din itong palawakin ang kanilang kaalaman at kakayahan na magkaroon ng alternatibong pakakakitaan tulad ng pag-aalaga ng kambing, tupa, manok, pagtatanim ng kabute, at iba pang potensiyal na kabuhayan.
Ang proyektong ito ay naging posible dahil sa inisiyatibo at pagsisikap ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na magkaroon ng tuloy-tuloy na paglago ng sektor ng agrikultura, magkaroon ng sapat na kinikita ng mga magsasaka at mangingisda at maiangat ang kanilang pamumuhay maging sa urban at peri-urban na mga lugar.
Kaugnay nito , tiniyak naman ni Undersecretary for High Value Crops Development Program Cherry Marie Natividad-Caballero ng agarang implementasyon sa mga programa at proyekto ng NUPAP na magkaroon ng smart green house facility sa limang probinsiya ng Lambak ng Cagayan na angkop sa mga magsasaka at mga kabataan na makakatulong upang masiguro ang kalidad, ligtas at sapat na pagkain para sa bawat mamayan.
Kabilang sa mga binigyan ng nabanggit na interbensiyon ang anim na lokal na pamahalan mula sa limang probinsiya ng Lambak ng Cagayan, 11 Farmers’ Cooperative Association (FCAs), dalawang State Universities and Colleges (SUCs), isang farm tourism site at isang pribadong hospital sa rehiyon. Nakapaloob sa mga interbensiyon na ito ang pagtatayo ng greenhouse, mushroom house, poultry house, packaging house, at edible gardens, gayundin ang pamamahagi ng hauling truck, binhi ng gulay, at iba’t ibang kagamitang pansaka.
Samantala, binigyang-diin ni DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino na ang NUPAP ay simbolo ng modernong pagsasaka na mas episyente at akma sa hamon ng panahon.
“Ang proyektong ito ay bagong mukha ng pagsasaka at isa sa stratehiya ng Kagawaran para mahikayat natin ang mas maraming kabataan na magka-interes sa agrikultura at bigyan ng sapat na kaalaman ang mga magsasaka kung paano palaguin ang kanilang sakahan at magkaroon ng tuloy-tuloy na kita, maliit man o malawak ang lupang sinasaka,” ani Aquino.
Nagpaabot naman ng mensahe si Director of National Urban and Peri-Urban Agriculture Program Gerald Glenn F. Panganiban sa pamamagitan ni Assistant Director Dr. Herminigilda A. Gabertan.
“Ang proyektong ito ay testamento ng patuloy na pag-unlad at komprehensibong pagsasaka, bunga ng suporta at interbensyon ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka tungo sa paglago ng kanilang produksiyon.”
Personal na lumagda sa kasunduan ang mga benepisyaryo bilang pagsuporta sa implementasyon ng mga proyektong makatutulong sa kanilang pagsasaka.
Ang mga sumusunod ay mga benepisyaryo ng nasabing proyekto: Pamplona at Peñablanca sa Cagayan; Quezon at Mallig sa Isabela; Nagtipunan sa Quirino; Ivana sa Batanes. Tumanggap din ng suporta ang dalawang state universities, ang Cagayan State University Piat at Lallo Campus, isang farm tourism site, ang La Montagne Integrated Agri-Farm OPC, at isang pribadong ospital, ang St. Matthias Medical Center of Isabela, Inc., na katuwang sa pagpapalaganap ng teknolohiya at modernisasyon sa agrikultura sa Lambak ng Cagayan.
Inaasahang makakatulong ang mga naipagkaloob na interbensiyon sa ilalim ng NUPAP na makamit ang seguridad sa pagkain para sa mga lungsod at kalapit na lugar nito at makakatulong na mabawasan ang gastos sa logistics maliban sa makapagbigay ng karagdagang kabuhayan at masustansyang pagkain sa bawat mamayang Pilipino.
Storya: Jovyjane Ganat
Photos: Erwin Cachero