Ang mga hamon ng tagtuyot at kakulangan sa maayos na pasilidad para sa pagbibilad at pag-iimbak ng ani ay matagal nang nagpapabigat sa kita ng mga magsasaka sa Quirino. Ngunit ngayon, malaking biyaya at ginhawa na ang kanilang nadarama sa hatid na tulong mula sa Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa ilalim ng Agricultural Machinery, Equipment, Facilities, and Infrastructure Projects (AMEFIP).
Labindalawang Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) sa lalawigan ang opisyal na lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa implementasyon ng AMEFIP 2025 na may kabuuang halagang ₱20.95 milyon. Kabilang sa proyektong inaasahang makukuha ngayong taon ang mga traktora, harvester, dryer, greenhouse, solar irrigation systems, at drying pavements, lahat ng ito ay magpapagaan ng trabaho sa bukid at magpapataas ng produksyon.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng pamamahagi ng makinarya at pasilidad na pinondohan sa ilalim ng 2024 AMEFIP. Tumanggap ng solar dryers, irrigation systems, at cassava processing equipment ang ilang benepisyaryo mula sa bayan ng Nagtipunan at Maddela.
Ang mga proyektong ito ay pinasinayaan sa isang seremonya noong Hulyo 18, 2025 sa Water Sports Complex, Quirino, sa pangunguna ni DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, kasama si Governor Dakila Carlo Cua at iba pang opisyal ng lalawigan.
Ayon kay RED Aquino, ang mga proyektong ito ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa mga magsasaka sa ilalim ng pamumuno nina Secretary Tiu Laurel at President Marcos.
Samantala, ipinahayag ni Governor Cua ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga FCAs upang mapalakas pa ang sektor ng agrikultura, at ibinahagi ang plano ng pamahalaang panlalawigan na magtayo ng mga food terminals bilang dagdag na suporta sa mga proyektong pang-agrikultura.
Nagpaabot ng pasasalamat si Ms. Cecilia Aduca, isa sa mga benepisyaryo ng equipment:
“Malaking tulong po ito sa amin dahil malaking ginhawa po ito sa aming pagtatanim lalo na kung may kalamidad. Mas magiging maganda din ang kalalabasan ng aming produkto at maibebenta namin sa mas magandang presyo.”
Sa kabuuan, ang AMEFIP ay patunay ng solidong ugnayan sa pagitan ng DA RFO 02, pamahalaang panlalawigan at lokal, at mga magsasaka ng Quirino para maisulong ang modernisadong, matatag, at inklusibong agrikultura tungo sa Bagong Pilipinas.