Tuguegarao City, DA RFO 02 – Mayo 6, 2025 — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda ngayong Mayo, pormal na itinalaga si ginoong Dante B. Tobias, Chairperson of the Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) 02, bilang Farmer Regional Executive Director ng Cagayan Valley para sa buong buwan.
Ang tradisyong ito ay naitatag noong 2017 ng Department of Agriculture (DA) bilang pagkilala sa boluntaryong serbisyo ng mga Agricultural and Fishery Councils (AFCs). Layunin din nito na mas mapatatag ang ugnayan sa pagitan ng kagawaran at ng sektor ng agrikultura at pangisdaan. Kada buwan ng Mayo, itinatakda ang RAFC Chairperson bilang Farmer Executive Director sa bawat Regional Field Office ng DA.
Ang pormal na pagtatalaga kay ginoong Tobias ay ginanap sa Monday convocation sa DA RFO 02 Gymnasium, pinangunahan ni Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino. Kasama rin sa mga nagpahayag ng suporta at pagkilala ay sina Regional Technical Directors Kay S. Olivas (Research and Regulations) at Dr. Roberto Busania (Operations and Extension).
Isang mahalagang bahagi ng programa ang pormal na pagpapakilala kay G. Tobias bilang Farmer Executive Director, na isinagawa ni Ms. Bernadette T. Galoso, Chief of the Planning, Monitoring, and Evaluation Division.
Sa kanyang talumpati ng pagtanggap, ipinaabot ni Tobias ang kanyang paninindigan at panawagan para sa mas malawak na suporta para sa sektor:
“Isa na namang hamon ito para sa Agricultural and Fishery Councils. Sa buwang ito, haharapin natin ang mga pagsubok at magsasagawa tayo ng mga hakbang alang-alang sa kapakanan ng ating mga magsasaka at mangingisda dito sa Lambak ng Cagayan. Hiling ko ang inyong buong suporta. Hindi ito magagawa ng AFC kung wala ang inyong tulong.”
Dagdag pa niya, mahalagang maramdaman ng mga nasa laylayan ang tunay na serbisyo ng pamahalaan:
“Marami pa tayong kailangang gawin. Ang pangunahing layunin ng DA RFO 02 at ng ating mga programa ay ang mapaangat ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka. Kailangan nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa kanila—lalo na sa mga nasa liblib na lugar. Hindi sila ang dapat maghintay sa atin; tayo ang dapat lumapit. Sa ganitong paraan, mababawasan natin ang kahirapan at higit pang mapaunlad ang ating rehiyon.”
Sa kanyang panunungkulan ngayong buwan, inaasahang kikilos si Tobias upang mas mapakinggan ang boses ng mga magsasaka at mangingisda, at maisulong ang mga programang makatutulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
via Paul Buenavista