Aprubado na ang 31 milyong pisong tulong sa Caviteno-Isabelino Agriculture Cooperative (CIACO) sa pagpapalago ng kanilang Pineapple Production at Marketing Enterprise ng Regional Project Advisory Board (RPAB) 2, June 2, 2022, sa katatapos na 33rd regular meeting sa DA RFO 2 Administration and Training Center Conference Hall, San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan. Ito ay ang kauna-unahang proyektong aprubado sa Additional Financing 2 ng Department of Agriculture Philippine Rural Development Project (DA PRDP) IREAP Component.
Matapos ang malalim na tanungan at pag usisa sa lahat ng mga dokumentong ipinresenta ni CIACO Manager Maria Victoria Anahaw, positibong inihayag ni Narciso A. Edillo, regional executive at project director ng DA PRDP Coordination Office 2 na magiging malaking tulong ang proyektong ito sa pag-angat ng industriya ng pinya sa rehiyon.
“Ang pinya ay isa sa mga commodity na pang-export,” saad ni Edillo na umuupong RPAB chair. “Nakakitaan nang malaking potensiyal ang industriyang ito kaya naman nandito tayo ngayon upang pagusapan ang isa sa mga importanteng hakbangin para maisakatuparan ito.”
Samantala sa naging presentasyon ni Anahaw sinabi nito na hindi pa man lumapit ang grupo sa DA PRDP ay natutulungan na sila ng mga ahensya tulad ng DA, Department of Trade and Industry, Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources at ang Provincial Government of Isabela. “I am lucky that even before, we have been given help by the government. Hindi nawawala ang DA at ibang ahensiya para suportahan kami sa aming cooperatiba.”
Ayon pa sa kanya, noon pa man ay pinapabuti na nila ang kanilang pagsasaka. Sadyang may mga problema lang na tumutongtong sa kanilang mga harapan katulad ng mataas na gastos sa land preparation at consolidation pagdating naman ng anihan.
Masaya namang ibinalita ni Anahaw na kabi-kabila ang kanilang steady market tulad ng mga institutional at private buyer. “Sa katunayan ay nagproproseso rin ang aming grupo upang magkaroon ng value-adding ang aming produkto.”
Sa darating na Hunyo 15-18 2022 ay lilipad si Anahaw sa Bangkok, Thailand upang dumalo sa training at benchmarking na makakatulong sa pagpapaganda ng kanilang produkto.
Matapos ang deliberasyon, nagpasalamat si Rose Mary G. Aquino, deputy project director sa mga miyembro ng RPAB dos sa kanilang suporta sa mga programa ng DA.
Ipiniresenta rin ni Aquino ang status ng mga PRDP subproject sa grupo upang magkaroon ng overview ang kooperatiba sa mga proyekto ng ahensya.
Nagpasalamat naman si Anahaw sa bumubuo ng board na siyang tumulong sa kanila upang maisakatuparan ang matagal na nilang minitmithi ang maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga pineapple grower sa kanilang bayan. (InfoAce Cagayan Valley)#DAPRDP#WorldBank#EnablingCommunitiesExpandingOpportunities