Pinangunahan ng Philippine Air Force Tactical Operations Group 2 ang distribusyon ng 12,800 piraso ng binhing gulay ngayong araw sa siyam na barangay ng Cabatuan, Isabela, Enero 12.
Ayon kay PAF TSG Cyril Mendoza, ito na ang pangalawang yugto ng kanilang programa na may inisyatibong tulungan ang Department of Agriculture (DA) sa kampanya nito ngayong panahon ng pandemya.
“Maraming salamat sa DA sa isa na namang matagumpay na kolaborasyon. Ang High Value Crops Development Program ay agad na nagpakita ng suporta para mas paigtingin ang kampanya ng Ahon Lahat Pagkaing Sapat o ALPAS kontra COVID-19,” ani Mendoza.
Hinimok ni DA-Cagayan Valley Research Center Manager Rolando Pedro ang mga dumalo sa aktibidad na magtanim ng gulay habang mayroong banta ng COVID-19 at African Swine Fever upang may sapat na pagkunan ng pagkain habang umiiral pa rin ang lockdown sa bansa.
“Nagdala ang aming grupo ng mga binhi ng kamatis, sili at talong bilang panimula sa gulayan sa inyong mga bakuran,” dagdag ni Pedro.
Ngayong araw, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cabatuan sa pamumuno ni OIC-Municipal Agriculturist Samuel Fallaria, ay inilunsad din ang isang gulayan sa barangay. Naglalayon itong paigtingin ang programa ng ahensya na magkaroon ng taniman ng gulay sa bawat barangay sa rehiyon.
“Maraming salamat sa mga ipinagkaloob ninyong mga gamit sa aming lugar. Mahalaga ang papel ng ating mga barangay sa pagpapalago ng sariling gulayan para ‘di na tayo aasa sa mga talipapa,” ani Fallaria.
“Gusto kong magpasalamat sa DA sa ibinigay niyong mga punla na maitatanim ko sa aking bakuran,” sambit ni Liljoy Vea, nagtatanim ng gulay sa Barangay Culing Centro.
Sa ngayon, ayon sa kanya, ang binhing kanyang nakuha ay ilalaan para sa kanyang pamilya dahil nais muna niyang maging sapat ang kanilang suplay ng gulay.