Hamon man sa ngayon ang pagkamit ng edukasyon para sa karamihan sa mga mag-aaral sa bansa, ipagpapatuloy pa rin ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang programa nitong Gulayan sa Paaralan sa (GPP) rehiyon.

Sa gitna man ng pandemya, pinalawig ng DA RFO 02 sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang implementasyon ng GPP sa taong 2020-2022. May layunin itong palawigin ang interes ng mga kabataan sa pagtatanim.

“Nasa gitna man tayo ng ‘new normal’, hindi titigil ang DA upang iabot ang kaukulang tulong sa mahigit kumulang na 500 paaralan sa Cagayan Valley bilang benepirsaryo ng naturang programa ngayong 2020 na may suma-total na  nasa target na 2,626 hanggang sa taong 2022,” saad ni Carol Albay, regional focal person para sa HVCDP.

“Hindi mapapantayan ang tulong ng mga magulang at mga guro sa kanilang paglaganap at pagpapatuloy ng mga kani-kaniyang mga gulayan sa kanilang mga paaralan at bakuran.”

Bago pa man simulan ang distribusyon, nagkaroon na ng mga samu’t saring mga aktibidad tulad ng briefing at turn over sa mga garden input sa bawat paaralan sa rehiyon.

Ang mga paaralan ay nabigyan ng mga kasangkapan tulad ng trowel, water sprinkler, pruner, seedling trays, rake, shovel, potting media, plant vitamins,  at plastic crates with cover.

“Aminado tayo, challenging para sa lahat ang pandemyang ito. Pero hindi papatinag ang mga guro, magulang, mga bata at ang DA sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Edukasyon,” dagdag ni Albay.

Sa mga nakalipas na implementasyon ng GPP ay nagkaroon din ng mga Best Gulayan sa Paaralan Implementer. Nagkaroon din ng gulayan sa tahanan (Parents-Learners Tandem), at gulayan sa paaralan virtual meeting para pag-pagusapan ang mga susunod na hakbang.

“Ang suporta ng DA ay patuloy niyong mararamdaman lalo na para sa ating mga kabataan na siyang tunay na pag-asa ng ating bayan. Sa pamamagitan ng pagtatanim niyo ng gulay, nasisigurado ninyong may sapat at ligtas na pagkain kayong kakainin sa gitna ng pandemyang ito,” sambit ni Regional Executive Director Narciso Edillo.

“Ang mga organikong mga gulay na inyong aanihin ay makakatulong din sa inyong nutrisyon.”

Magkakaroon din ng Garden Mo, I-vlog mo 2.0 challenge ngayong buwan.

 

(Para sa karagdagang impormasyon maaring kontakin si Gng. Carol Albay, Regional Focal Person ng High-Value Crops Development Program.)