Tiniyak ni City Agriculturist Dr. Evangeline Calubaquib ng Tuguegarao City na tuloy-tuloy ang pamamahagi nila ng ayuda sa mga magsasaka sa tulong ng Department of Agriculture sa kabila ng nararanasang pandemya.
Sa panayam kay Dr. Calubaquib sa programang Agri-Tungtungan ng DZDA 105.3 sinabi nitong suportado ng Department of Agriculture Region 02 at ng City Government sa pamumuno ni Tuguegarao City Mayor Jeffferson Soriano ang mga tulong sa mga magsasaka ng lungsod.
“Sa masidhing pagtulungan at patuloy na kolaborasyon ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon dos at lokal na pamahalaan ng Tuguegarao ay simula ng umiral ang community quarantine ay walang mintis ang pag-abot natin ng serbisyo,” sambit ni Calubaquib.
Nitong Abril 2020 sinimulang ibahagi ang limang libong pisong cash assistance sa 580 rice farmers bilang subsidiya sa epekto ng Rice Tarrification Law at Covid19.
Sa kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine nitong Marso sa buong Luzon, sinuportahan ng siyudad ang implementasyon ng ‘Plant, Plant, Plant Program’ o ‘Ahot Lahat Pagkaing Sapat kontra Covid19.’
Bilang bahagi ng programa, aabot sa 1,176 bags ng certified rice seeds ang naipamahagi para sa 566 benepisaryo sa buong lungsod.
Maliban dito ay namahagi din ng hybrid rice seeds sa 72 rice farmers para sa mga mayroong fully irrigated na palayan.
“Suportadong-suportado ni Mayor Jeff ang ating mga magsasaka kaya naman sa higit kumulang 2,919 ektarya ng maisan ay nakapagbahagi tayo ng quality certified corn seeds na umabot sa 1, 140 bags,” dagdag niya.
Ng tanungin sa estado ng high-value commercial crops ng lungsod nasabi nitong nakapagbigay na ang city agriculture office ng 6,000 cacao seedlings, 18,000 pakete ng vegetable seeds at 25, 000 vegetable seedlings.
Bilang dagdag kaalaman para sa mga magsasaka, naglunsad din sila ng mga training tulad ng Hydrophonics, Vegetable production, tatlong Season Long On-site Farmers training at isang Barangay-Based Training on Integrated Crop Management-Corn-Based Farming System (ICM-CBFS).
Makakatulong umano ito upang mapataas ang kalidad ng kanilang ani.
Bukod pa rito ay natulungan din ang mga tobacco farmer na nabigyan ng 1,829,933 milyong piso bilang tulong ng siyudad sa 57 magsasaka.
“Sa katunayan ay nagbigay si Mayor Soriano ng 855,000 pisong halaga ng tulong para sa pagbili ng mga corn seed, fertilizer at input support,” dagdag pa ni Dr. Calubaquib.
Ibinalita na rin nito na mayroon ng pondong inilaan para sa konstruksyon ng Farm to Market Roads na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso.
“Umaasa kayong patuloy ang suporta ng DA at ng Tuguegarao City sa inyo sa gitna ng pandemyang ito at sa hinaharap,” ang pang-wakas na sambit ni Calubaquib sa mga Tuguegaraoeño.
(Para sa karadagdagang impormasyon maaaring sumagguni kay Dr. Evangeline Calubaquib ng Tuguegarao City Agriculture Office sa numerong 304-1594)