Tuluy-tuloy ang distribusyon ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) sa Cagayan Valley.
Ito ang pahayag ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa publiko bilang tugon sa mga naglalabasang isyu tungkol sa nasabing ayuda.
“Sa ngayon ay mayroon na tayong naibigay, sa tulong at pamamahala ng mga Municipal Local Government Units (MLGUs), na 33,850 notice of grant sa buong rehiyon,” aniya.
“Tayo ay nagpapasalamat sa ating mga Municipal Agriculturists (MA) at kanilang mga staff dahil sila ang nangunguna sa distribusyon sa kanilang mga lugar at pagpapanatili sa mga protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa social distancing.”
Sinabi nito na ang RFFA ay dati ng programa ng DA pero naantala ang distribusyon nang magkaroon ang COVID19 pandemic.
“Nasimulan na natin ang unang batch ng distribusyon noong Disyembre ng nakaraang taon at Enero at Pebrero sa taong ito,” dagdag ni Edillo.
Ayon naman kay Dr. Marvin Luis, regional rice program coordinator, mayroong kabuuang 96,791 ang ipapamigay pa sa pangalawang batch.
“Ito ay bahagi ng 114,023 na aprubadong allocation sa buong lambak ng Cagayan,” sambit nito. “Kung hindi sana nagkaroon ng COVID19, malamang ay naipamigay na natin lahat dahil sa unang batch ay nakapagdistribute lamang tayo ng 17,232.”
Ang RFFA ay ayuda sa mga magsasaka na apektado sa pagbaba ng presyo ng palay noong nakaraang anihan dahil sa pagpasa ng Rice Tariffication Law. Ang mga magsasakang ito ay nagmamay-ari ng kalahati hanggang dalawang ektarya ng palay.
Kada farmer recipient ay makakatanggap ng limang libong piso at dapat ito ay rehistrado sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA). Samantala, muling niliwanag ni Edillo na ang RFFA ay iba sa isinusulong ngayon ng DA na Financial Subsidy for Rice Farmers (FSRF).
Ang FSRF ay isang programa na isasakatuparan para sa mga magsasakang nagmamay-ari ng isang ektarya pababa para sa mga probinsiya na nasa ilalim ng Category A at kalahating ektarya pababa naman sa Category B.
“Dito sa rehiyon, Isabela at Cagayan lamang ang pumasok sa Category B at 17,132 lamang ang recipients dito,” paliwanag ni Edillo.
Ang mga lalawigan sa Category B ay mga rice-producing provinces na mayroong malaking ambag sa rice production at apektado rin sa pagbaba ng palay.
“Inaayos na namin sa tulong ng mga munisipiyo ang masterlisting para makapag-umpisa sa distribusyon ngayon darating na buwan ng Mayo.”
Sa FSRF, makakatanggap din ang farmer recipient ng limang libong piso at dapat rehistrado rin sa RSBSA. Ito ay ayudang pang-pinansiyal ng DA na nakapaloob sa Social Amelioration Program (SAP).
“Kami po ay nakikiusap sa ating mga kababayan na sana maintindihan na limitado ang pondo para sa mga nasabing ayuda at mayroong sinusunod na mga guidelines kung kaya’t hindi lahat ay nabibiyayaan,” ani Edillo.
“Pero mayroon pa naman tayong ibang mga programa sa DA na makakatulong sa mas maraming mga kababayan tulad ng pagbibigay ng mga libreng binhi at abono sa ilalim ng proyektong Plant, Plant, Plant Program o Ahon Lahat Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra COVID19.”
Kanyang hinikayat na bumisita at makipag-ugnayan lamang ang mga interesado sa mga tanggapan ng MA sa mga bayan o sa pinakamalapit na istasyon ng DA sa mga probinsiya ng rehiyon.
#WeHealAndWinAsOne #RFFAVsFSRF #DACares
(With reports from Hector Tabbun)