Nanatiling Covid-19 free ang Quirino ngunit kasali pa rin sila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at dahil dito ipiniresenta ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang ilang mga programa ng kagawaran sa isinagawang Provincial at Municipal Agriculturists (MA) meeting kahapon, Abril 23, 2020 sa Quirino Experiment Station (QES), Dungo, Aglipay, Quirino.
“Ang laban natin sa Covid-19 ay parehong laban sa pagkagutom,” ito ang naging pahayag ni Regional Technical Director Roberto Busania na nagpahayag ng suporta sa mga magsasaka ng probinsiya.
“Nagkaroon man ng pagbabago sa mga galaw ng lahat sektor, nananatiling suportado ng kagawaran ang mga tinatawag na backliners sa patuloy na pagsasaka dito sa rehiyon.”
Inihayag din ni Regional Rice Focal Person Dr. Marvin Luis na tuloy ang pagbibigay ng ayuda tulad Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) gayundin ang mga programa sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF) at Rice Resiliency Project.
Ayon naman kay High-Value Crops Development Program (HVCDP) Regional Coordinator Engr. Blesita Tega magkakaroon din ng isang barangay sa lalawigan particular na sa bayan ng Maddela bilang recipient ng Adopt-A-Barangay ng Plant, Plan, Plant Program o Ahon Lahat Pagkaing Sapat (ALPAS).
“Ang mga may existing na greenhouses ay pwede nating gamitin para sa seedling production at i-didistribute sa mga household sa ating isinusulong na urban at backyard gardening,” aniya.
“Patuloy ang pagbibigay ng mga seeds at seedlings para makarating sa mga barangays sa pamamagitan ng inyong tulong.”
Sa harapan ng mga agricultural extension workers sa probinsiya, nagkaroon ng matibay na ugnayan na mananatili ang kanilang suporta sa mga nailatag na programa ng DA.