Bilang tugon sa suplay ng pagkain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino, ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ay namahagi ng mga aalagaang pato (Muscovy duck) para sa mga napiling dalawang barangay (2) sa Tuguegarao City na kinabibilangan ng Linao East at Annafunan West na may bilang na 47 na katao na nagsasaka ng mais na lubhang naapektuhan ng tagtuyot o drought. Ang aktibidad ay ginanap sa nasabing ahensya.

Ang ayudang ito ay nakapaloob sa programa ng DA na Plant, Plant, Plant, Project (PPPP) o “Ahon Lahat, Pagkain Sapat (ALPAS) Kontra COVID-19” na hinihimok ang bawat kabahayan na magtanim at mag-alaga ng hayop sa sarili nilang tahanan upang may pagkukunan ng pagkain hindi lang ngayon na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang siyudad dulot ng COVID-19 kundi sa mga susunod na mga buwan.

Sa presentasyon ni Mr. Demetrio Gumiran, DA regional livestock program coordinator, ang Livestock and Poultry Livelihood Assistance Enterprise Projects ng DA RFO 02 ay may layuning masustini ang suplay ng pagkain at matulungan ang bawat magsasaka ng mais sa mga nabanggit na barangay na natamaan ng drought.

“Pwedeng pagkakitaan ang pag-aalaga ng pato, itik o manok lalo na sa mga panahong ito. Sana ay maparami pa natin ito para sa dagdag na kita ninyo,” sambit ni Gumiran.

Ayon kay DA Regional Executive Director Narciso A. Edillo ang nasabing ayuda sa mga benepisyaryo ay upang ibalik ang dating nakasanayan ng bawat komunidad sa pag-aalaga ng manok, pato, itik at iba pang hayop na kung saan ay maaari nila itong palaguin para ibenta at makakain ng bawat pamilya.

“Ang rehiyon dos ay hindi po nagkukulang sa suplay ng pagkain. Kung susumain natin, pangalawa tayo sa may malaking ambag ng pagkain sa Pilipinas kung pag-uusapan ang palay. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na tayo ay magpakampante. Hangga’t mayroong ayuda ang gobyerno sa inyo samantalahin natin ito sa pagtatanim man o pag-aalaga ng pangkahayupan,” ani ni Edillo.

Dagdag pa ni Edillo na ang nasabing ayuda ay paunang tulong sa mga magsasaka ng mais na labis na tinamaan ng drought sa kanilang pananim. Makakaasa pa rin ang mga ito ng tulong mula sa ahensya.

“Naiintindihan ko ang inyong sentimento dahil nahuli na kayong magtanim ng mais dahil sa mga naranasan na kalamidad at ngayon ay tuyo’t pa rin ang inyong sakahan. Kaya naman, itong alagang pato na ibibigay ng ahensya sa inyo ay isang mabilis na paraan para maparami ninyo na maaari niyong ibenta o di kaya ay pagkain sa inyong pamilya,”aniya.

Samantala, bilang representante ng ama ng siyudad ng Tuguegarao Hon. Jefferson P. Soriano, nagpapasalamat naman si City Councilor, Hon. Karina S. Gauani sa ipinapaabot na tulong ng DA Region 02 sa mga magsasaka sa siyudad.

Aniya, “In behalf of the City Government, we would like to personally thank the DA management for continuous helping our farmers in the city through this initiative on livestock, distribution of assorted seeds and seedlings, technology assistance and many others.”

Pakiusap pa nito na sana patuloy na makipagtulungan ang lahat sa mga namumuno dito sa lungsod upang tuluyang masugpo ang sakit na COVID-19.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Barangay Linao East Kagawad Jerry Quilang dahil sa tulong nito sa ka-barangay.

“Makakaasa po ng suporta ang DA mula sa aming barangay officials sa kanilang proyekto at programa para po sa aming magsasaka. Nagpapasalamat kami sa tulong na inyo pong ibinigay.”

Kabilang sa isinagawang aktibidad ay ang lecture tungkol sa Duck Raising na pinangunahan naman ni Ferdinand Arquero ng DA Livestock program.

Nagpapasalamat naman si DA Regional Technical Director for Operations na si Dr. Roberto C. Busania sa mga dumalo at naniniwala siyang kaya nilang palaguin ang limang (5) pato na ibinigay ng ahensya sa kanila.

“Sana ay maparami pa ninyo ang matatanggap na tulong mula sa DA. Kahit papaano ay makakatulong ito sa atin lalo na’t nasa alanganin na situwasyon pa rin tayo. Magkaisa po tayo para sa tulo’y-tuloy na kasapatan ng pagkain sa ating lugar.”

Ang paunang ayuda sa mga nabanggit na barangay ay paparisan din sa ilan pang lugar dito sa lambak ng Cagayan.

#WeHealAndWinAsOne
#PlantPlantPlantProgram
#AhonLahatPagkaingSapat

(With reports form Julian Florague)