Sa programang KADIWA NI ANI AT KITA ng Department of Agriculture (DA), lahat angat. Bidang-bida ang mga magsasaka ng Rehiyon Dos.

Sa kabila ng mas pinaigting na Enhanced Community Quarantine (ECQ), tuloy pa rin ang pakikipagsapalaran ng mga magsasaka upang magkaroon pa rin hanapbuhay.

Layunin ng KADIWA NI ANI AT KITA na ilapit sa mga mamimili ang mga produkto ng mga magsasaka.

Mayroong dalawang proyekto na nakapaloob sa programa – ang KADIWA NI ANI AT KITA Outlet nan aka-base sa mga opisina ng DA at ang On-wheels na pumupunta sa iba’t-ibang mga lugar dala ang mga produktong gulay, isda, karne, daing, prutas at marami pang iba.

Ang DA-RF0 02 sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ay personal na pinupuntahan ang mga magsasaka upang hakutin ang kanilang mga produkto.

“Salamat po sa mabilis na pagtugon ng DA-RFO 02 sa aming mga hinaing, kahit naka-ECQ ang aming lugar, tuloy pa rin ang kita ng aming kooperatiba. Hindi rin kami nabubulukan ng mga produktong gulay. Noon, hirap kaming maglabas ng produkto, pero ngayon, araw-araw na kaming may siguradong income at malaking tulong ito sa aming mga miyembro”, ayon kay Gng. Yvonnie Guttierez, Manager ng Aurora Citrus Farmers Cooperative (ACFC) ng Aurora, Isabela.

Maliban sa ACFC, natulungan na din ng DA-RFO02 ang mga iba’t ibang organisasyon at indibidwal sa ating rehiyon.

Ayon kay RED Narciso A. Edillo ng DA-RFO02, dapat lamang na bigyang pansin ang produksyon ng mga magsasaka ng Rehiyon. Sila ang lubos na apektado ngayon lalong-lalo na sa mas pinaigting na ECQ at sa mga kabi-kabilaang checkpoint.

“Karapat-dapat lang din na sila ay tulungan. Hangga’t maaari, prayoridad natin ang mga produksyon ng mga maliliit na magsasaka. Ang mga magsasakang ito ay ang mga totoong frontliner sa COVID-19 na to. Kung wala silang kakayahan na dalhin sa kanilang market, tayo na ang maghahakot sa kanilang produksyon”, binigyang diin ni Edillo.

Sinabi pa nito na simula sa susunod na linggo ay umpisahan na rin ang Quirino Mobile Market.

Sa pamamagitan sa sulat ni Governor Dakila Carlo Cua kay Engr. Fidelino Cabantac, Manager ng Quirino Experiment Station (QES) sa Aglipay, Quirino, makikipagtulungan sila sa operasyon ng Kadiwa on Wheels patungo sa mga barangay ng lalawigan.

Ani Cua, nakita nila ang kagandahan na dulot ng Kadiwa upang mailapit ang mga produktong pang-agrikultura (food and non- food) sa mga mamamayan ngayong panahon ng ECQ.

Idinagdag pa ni Edillo na nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) Region 02 para maisama na rin ang mga grocery items sa Kadiwa on Wheels.

Maliban sa AMAD, ang mga research center at experiment station ng DA ay mayroon ding mga tinutulungan na mga iba’t ibang organisasyon at indibidwal na nagbibigay ng suplay para sa mga aktibidad na isinasagawa ng KADIWA NI ANI AT KITA.

Tunay nga na walang kasingtamis ang magsilbi sa bayan.

Sa panahong ito, dapat tayong magkaisa at magtulungan, lilipas din ang COVID-19.

Kapit lang!

(With reports and photos from Mr. Bernard Malazzab of DA-RFO 02-AMAD and Ms. Gladys Llanfair ng QES.)

#KADIWANiAniAtKita
#WeHealAndWinAsOne

 

(With reports from Hector Tabbun)