Personal na inalam ng Department of Agriculture Regional Field Office No 2 (DA-RFO 02) sa pamamagitan ng mga staff ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) ang kalagayan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Base sa mga nakalap na impormasyon, hindi pa rin tumitigil ang operasyon ng NVAT. Bukas pa rin ito 24/7.

Patuloy pa rin itong mino-monitor ng mga kawani ng DA-RFO2 upang masigurado ang sapat na suplay ng mga prutas at gulay hindi lamang sa Cagayan Valley maging sa ibang rehiyon sa bansa.

“Ang operasyon ng NVAT ay tuluy-tuloy at hindi kami titigil lalong-lalo ngayong nakadeklara pa rin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ating lugar,” ani General Manager Gilbert Cumila.

Ayon din kay Cumila, kailangan lamang sundin ang mga preventive measures upang maiwasan ang mapaminsalang Covid-19. Tatlo lamang kada truck ang maximum na karga nito kasama na ang driver.

“No face mask, no entry pa rin sa NVAT at patuloy na minomonitor ang temperatura ng mga pumapasok sa nasabing pasilidad. Kontrolado pa rin di umano ang pagpasok ng mga tao. Kapag walang Travel Pass, hindi ito pinapapasok,” dagdag ni Cumila.

Samantala, ipinaalam ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DA-RFO 02 sa management ng NVAT upang matulungan sila at makapagbigay ng anumang assistance para sa kanila, sa mga magsasaka sa area at ang mga frontliners ng NVAT.

“Patuloy din po nating binabantayan ang presyo ng bawat bilihin at araw-araw nating ginagawa yan. Meron din tayong assigned staff upang magbantay sa ipinapatupad na social distancing,” sabi ni Edillo.

Kamailan lamang ay nagbigay ang DA-RFO2 ng bigas sa mga frontliners ng NVAT bilang tulong sa kanila.

Sa ngayon, ang average na outflow ng assorted na gulay at prutas ay mula 450-550 metriko tonelada kada araw.

Malaking tulong ito upang patuloy na mayroong suplay ng pagkain sa kabila ng ECQ.

#NVATOperationContinues
#TowardsSustainedFoodSupply

(Contributed by Mr. Bernard Malazzab of DA-RFO 02-AMAD)