Cabagan, Isabela- Mula nang ibinaba ng Executive Branch ng bansang Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “Enhanced Community Quarantine (ECQ)” sa buong Luzon mula March 17, 2020 hanggang April 12, 2020 bunsod ng banta ng Corona Virus Disease (COVID-19) ay naging maagap na ang pamunuan ng Cabagan, Isabela sa pagpapatupad ng mga agriculture at health related issues.
Nagpatawag agad si Attorney Christopher A. Mamauag, ang aming butihing Alkalde dito sa Cabagan ng pagpupulong sa lahat ng Kawani ng Local Government Unit (LGU) ng Cabagan upang talakayin ang ibat-ibang stratehiyang pang agrikultura at pangkalusugan laban sa COVID-19.
Isa sa mga naunang nailatag na stratehiya ay pag-aapruba ng 10-hour curfew hours na kung saan ang lahat ng miyembro ng pamilya ay manatili lamang sa loob na ng bahay mula alas otso (8) ng gabi hanggang ika-lima ng umaga. Kalaunay, matapos aprubahan ng konseho ng LGU Cabagan ang pagpapalawig sa oras ng curfew hours upang mas lalong mailagay sa ligtas na kalagayan ang lahat ng mamayan ng Cabagan ay naipatupad and 24-hour curfew hours.
Ganun din ang pagpapatupad sa social distancing na kung saan hindi na pinayagan pang mamasada ang karamihan na mga tricycle operators, palagiang paglilinis ng kamay at paglinis sa loob at labas ng bahay.
Naging mahigpit din ang pamimigay ng quarantine pass sa isang miyembro ng pamilya upang makapamili ng pagkain at iba pang basic needs ng pamilya. Hinikayat din ang pagsuot ng “face mask” lalong-lalo na kapag nasa pampublikong lugar kagaya ng palengke bilang proteksyon laban sa mga “droplets” ng maaring malanghap mula sa mga na bumabahing na indibidual.
Hindi rin pinayagan ang mga minor at senior citizen na lumabas sa kani-kanilang bahay para makapamili ng pagkain o gamot dahil sila ang mga “vulnerable” na mamamayan sa nasabing COVID-19.
Bunsod ng kawalan ng trabaho ng karamihan dahil sa pandemic na ito, namigay ang LGU Cabagan ng relief goods na naglalaman ng bigas at pagkaing de-lata.
Hinikayat din ang lahat ng Cabageños na magbayanihan sa pag disinfect sa loob at labas ng kani-kanilang tahanan, manatili sa loob ng bahay at ugaliin ang paghuhugas lagi ng kamay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alintuntunin na nailagay sa infographic posters na naiupload sa social media partikular sa LGU Cabagan facebook page ang tamang paglinis ng kamay at iba pang naayon at akmang gawain upang mailayo ang sinuman sa anumang banta ng COVID-19.
Samantala, mula noong naglabas ng report ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Carig, Tuguegarao City na nagpositibo sa COVID-19 si PH275 na taga Tuao, Cagayan ay agad din nagsagawa ang LGU ng Cabagan sa pangunguna ng Cabagan Rural Health Unit (RHU) sa agarang tracing contact sa mga indibidwal na nakasama ni PH275 sa isang bus na kung saan pitong (7) pasahero ang bumaba sa bayan ng Cabagan ayon sa tala ng nasabing bus na sinakyan ni PH275 galing sa Metro Manila area.
Dahil na rin sa maagap at maayos na systema sa paghahanap sa mga naging close contact ni PH275, naging matagumpay ang paghanap sa kapwa pasahero ni PH275 na taga Cabagan at sila ay tinaguriang “Persons under Investigation(PUIs).
Bilang tulong sa pamilya ng mga PUIs na iyon ay nagbigay ang LGU Cabagan ng dalawang kaban ng bigas, mga groceries, gamot at iba pa at patuloy pa rin ang ginawang pagmonitor ng RHU healthworkers sa mga PUIs upang masiguro na ligtas sila laban sa COVID-19.
Kaugnay dito, noong April 1, bandang ala una (1:00PM) ng hapon nang naiaanounce ng CVMC ang kauna-unahang COVID-19 positive na si PH2310, 29 na taong gulang, isang health worker na taga-Cabagan at involved sa isinagawang “contract tracing” ng mga COVID-19 positive patients sa probinsya ng Cagayan, ay mas lalong pinaigting ng LGU Cabagan ang ECQ dito sa Cabagan.
Ngayong nasa ikatlong linggo ng pagpapatupad ng “Enhanced Commmunity Quarantine (ECQ)” ay masayang ipinamalita ng buong pamunuan ng LGU Cagaban na negative na sa pangalawang pagkakataon o second SWAB laboratory test si PH2310 kabilang ang pitong (7) indibidual na nakasalamuha nito base sa nagawang “contract tracing” ay negative din kaya COVID-19 free na uli ang bayan ng Cabagan, Isabela.
Ayon sa aming butihing Mayor Mamauag, bagaman naging matagumpay ang kampanya ng nasabing bayan na maging COVID-19 free na uli matapos maitala ang pagiging COVID-19 positive ni PH2310 nuong April 1, 1:0 PM, ay hindi pa rin maging kampante ang pamunuan ng Cabagan laban sa COVID-19.
Maliban sa 24-hour curfew hours, hindi na rin pinapayagan ang isang residente ng isang barangay sa makapunta sa kabilang barangay. Ang Cabagan ay mayroong 26 na barangays.
Napaigting ang talipapa ng bawat barangay upang doon na mamili ang residente ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Dinagdagan na rin ang unang ibinigay na tig-tatlong piraso ng Vitamiin C at ginawa itong dalawang (2) pakete na kung saan 10 piraso ang laman ng bawat pakete bawat pamilya. Namigay din ng gamot para sa mga bata. Dinagdagan din ng RHU Cabagan ng iba pang gamot ang lahat ng Barangay Health Unit na sakop nito.
Nagsagawa din ang lahat ng opisyales ng Barangay ng massive disinfection sa lahat ng bahay sa Cabagan.
Inumpisahan na rin ng LGU Cabagan ang pangunguha ng mga impormasyon para sa mga “would-be beneficiaries” ng Social Amelioration Assistance Program katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Patuloy din ang suporta ng LGU Cabagan sa mga taga Cabagan na health workers o COVID-19 frontliners ng RHU at Milagros District Hospital sa pamamagitan ng pagtalaga ng isang building ng RHU bilang temporary Quarantine Shelter habang active ang ECQ at hindi sila pinapayagang makauwi sa kani-kanilang bahay. Ang layunin nito ay upang manmanan ang mga frontliners at masigurado ang kaligtasan nila at ang kanilang pamilya.
Kaugnay dito, kasalukuyan ang pag-aayos ng Cabagan Gymnasium na may kapasidad na 30 na cubicles at Aggabao Hall na may 24 cubicles bilang “Emergency Quarantine Facility to manage and control COVID-19 patients in accordance to DOH principles and protocols relative to infection prevention control”.
Upang magkaroon ng dagdag na pagkukunan ng gulay ang mga residente ng Cabagan habang nasa impluwensya ito ng ECQ ay namigay na rin ang LGU Cabagan ng 11,630 pakete ng buto ng ibat-ibang klase ng gulay kagaya ng okra, sitaw at iba pa.
Nagsanib pwersa din ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 ( DA RFO2) sa pamamagitan Cagayan Valley Research Center sa pagbibigay ng 400 seedlings ng talong, 250 pouches at 12 cans ng vegetables ibat-ibang klase ng vegetable seeds.
Naglagay din ng “Sanitation Tents” sa Cabagan Public Market at sa Barangay Casibarag Sur at upang masiguro ang kaligtasan ng lahat at patuloy na rin ang paglalagay ng iba pang ‘sanitation tents” sa iba pang Barangay ng Cabagan.
Upang mas lalo pang matulungan ang mga Cabageños dahil sa banta ng COVID-19 ay binuo ng LGU Cabagan ang “CAMALIG” System.
“The CAMALIG is a system to encourage Bayanihan Spirit in increasing responsiveness on hunger and poverty issues. The main purpose of the CAMALIG is to ease the burden of philanthropic individuals/groups in the distribution of their donations”, pagpapaliwanag ni Mayor Mamauag.
Sa ngayon ay umaarangkada na uli ang pagbibigay ng pangalawang batch ng relief goods bilang karagdagang tulong sa lahat ng mamamayan ng Cabagan lalo pa’t pinalawig ng Executive branch ang ECQ hanggang April 30, 2020.
Samantala, base sa naisagawang COVID-19 Task Force Meeting ng LGU Cabagan, April 7, 2020, nabanggit ni Mayor Mamauag na “Arian nu kakkakkapang tu mangiloku ta kissa tolay nu ta kunnawe nga sitwasyon. Egga y lay tang tu ma-pena ta anni lamang nga marake nga gangwa-gangwa”. (Do not attempt to take advantage of other people in a situation like this. We have a law that will penalise wrongdoings). Ito ang binitiwang salita ni Mayor Mamauag matapos may naipamalitang nagbebenta ng mas mataas na halaga sa naitakdang presyo ng mga produkto sa palengke ng Bayan.
“ Mayor Mamauag immediately instructed then the Market Supervisor to investigate and take actions on the matter and have those guilty of the violation face the consequences of their actions”.
Ang pamunuan ng LGU Cabagan, Isabela sa pamumuno ni Mayor Mamauag, 24-hour-day and night since the onset of COVID-19 ay siniguro na mailatag ng maayos ang bawat plano at patuloy na ipinapatupad ang ECQ para masugpo ang pagkalat ng pandemic na ito o COVID 19 hindi lamang sa Cabagan kundi maging sa buong Rehiyon dos at buong bansa. (With reports from LGU Cabagan and RHU Cabagan).
By: Catherine S. Jimenez, Department of Agriculture- Regional Field Office No. 02,
Regional Agriculture and Fisheries Information Section (DA-RAFIS)
Tuguegarao City, Cagayan