Inabisuhan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region 02 ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan, provincial directors at local government operations officers sa supervision at monitoring ng checkpoints sa national highways at provincial roads.
Ang advisory na ipinalabas ni Regional Director Jonathan Paul M. Leusen, Jr. ay alinsunod sa guidelines na aprubado ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon sa DILG pronouncement, lahat ng mga barangay checkpoints sa national highways at provincial roads ay aalisin dahil naaantala ang movement ng agricultural products at workers at salungat sa IATF guidelines.
Ang mga Philippine National Police (PNP) checkpoints na lang ang mag-operate at mag-inspect sa mga cargoes.
Hindi na pinapahintulutan ang mga LGU at barangay personnel sa inspection ng cargo trucks.
Sa mga papasok naman sa interior roads, ang mga barangay checkpoints ay dapat sa ilalim pa rin ng supervision ng PNP.
Inaatasan din ang PNP na imonitor ang mga barangay checkpoints upang maiwasan ang implementasyon ng mga polisiya na labag sa IATF guidelines na ibinababa ng mga ito.
Sinasabi din sa advisory na dapat i-ensure ng PNP ang compliance ng mga barangays sa mga guidelines ng IATF at Joint Task Force Corona Virus Shield (JTFCV Shield).
Ang kopya ng advisory ay naka-attached sa ibaba ng artikulong ito para sa kaalaman ng lahat.
Samantala, nagpapasalamat si Regional Executive Director Narciso A. Edillo sa DILG at PNP sa kanilang suporta.
Aniya, napakalaking tulong ito para hindi maapektuhan ang food availability ngayong nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong Luzon.
(With reports from Hector Tabbun)