Business as usual ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Ito ang paglilinaw ni NVAT General Manager Gilbert Cumila sa mga naglalabasang balita na sila ay tumigil sa operasyon dulot ng lockdown sa ilang mga lugar na pinanggagalingan ng supply ng gulay.
“Fake news ang mga naririnig ngayon na stop operation kami,” aniya.
“Napaaga lang ang trading time dahil sa curfew at nagkaroon ng minor problems sa mga checkpoints dahil sa misinterpretation sa mga guidelines pero naresolba naman agad.”
Sinabi pa nito na ang mga gulay na galing sa bayan ng Dupax del Norte at Ifugao ay nakarating pa rin at naantala lang ng isang oras.
Napabalita kaninang umaga na mayroon ng nagpositibo sa COVID19 sa Nueva Vizcaya kung kaya’t naghigpit ang mga munisipiyo at karatig na probinsiya sa kanilang mga checkpoints at pinapahinto ang mga truck na nagdedeliver ng gulay.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan si Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng DA-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) kay Nueva Vizcaya Governor Carlos M. Padilla at Regional Executive Director Cameron Odsey ng DA-Cordillera para maabisuhan ang mga checkpoints na padaanin ang mga ito.
Nagpapasalamat si Cumila sa agarang pagtugon ng DA, Provincial Government ng Nueva Vizcaya, Philippine National Police (PNP) at pagtalima ng mga lokal na pamahalaan para agad mabigyan ng solusyon sa nasabing isyu.
“Mayroon kaming commitment sa ating gobyerno partikular ang DA na pinamumunuan ni Secretary WIlliam D. Dar na patuloy ang aming deliveries sa Metro Manila lalo na ngayong may problema tayo,” dagdag pa nito.
Ipinaalam din niya na kahapon, Marso 26, nakapagdeliver sila sa iba’t-ibang rehiyon ng 486,283 kilogramo ng gulay na kinabibilangan ng 140 na delivery trucks.
Sa araw na ito, ang total outflow ay 552,618 kilogramo.
Samantala, ang expected inflow bukas ay 437,654 kilogramo.
Maliban sa NCR na siyang may pinakamaraming demand (36%), pumupunta rin ang mga produkto sa CAR, Ilocos Region, Central Luzon at CALABARZON.
Sa kasalukuyan, naitala na din ng DA-Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) ang 418 food pass pass sa kanilang lugar na karamihan ay mga truckers sa NVAT.
Malaking tulong ito upang mapabilis ang pag arangkada ng mga agricultural products sa kabila ng kaliwat kanang mga checkpoints.
Nagpatayo din ng temporary AMAD Office sa NVAT at minamanduhan ni Ms. Debbie Dominguez, NVES Technical Staff sa pamamagitan ng isang memorandum na pinirmahan ni Edillo.
“Ito ay upang matulungan ang NVAT sa kanilang pang araw araw na operasyon. Dito na rin ipinoproseso ang mga food pass upang mas mapabilis ang transportasyon ng mga produktong pang agrikultural patungo sa ibat ibang bayan o rehiyon,” ani Edillo.
(With reports from Mr. Bernard Malazzab, DA-AMAD).