Hinihikayat ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang publiko na magtanim ng mga gulay habang ang lahat ay nasa Enhanced Community Quarantine.
Isa ito sa mga isinusulong ngayon ng ahensiya upang magkaroon ng sariling pagkukunan ng pagkain ang isang pamilya sa abnormal na panahong ito dulot ng COVID19.
Tinaguriang Gulayan sa Bakuran, ang DA ay magbibigay ng hind bababa sa dalawang klase ng vegetable seeds sa mga interesadong mamamayan upang itanim sa bakanteng lupa sa kanilang bahay.
Kung walang espasyo, maaring gumamit ng mga basyo na plastic na container katulad ng mineral water, mga sako, lata at iba pang maaring pagtamnan.
Sinisimulan na ngayon ang distribusyon ng mga seeds sa mga munisipiyo sa pamamagitan ng mga research centers at experiment stations ng DA sa mga probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Ang KADIWA ni Ani at Kita ay tumulong sa pamimigay ng vegetable seeds. Ang mga kawani sa DA ay mabibigyan din ng mga vegetable seeds para itanim.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, makipag-ugnayan lamang ang mga interesado sa tanggapan ng kanilang Municipal Agriculturist upang maka-avail sa nasabing programa.
“Kailangan na kakain tayo ng gulay para maging malusog at maiwasan ang magkasakit,” aniya.
Makakamit natin ito kung tayo ay magtatanim. Tutulong po tayo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga seeds.”
Samantala, isasakatuparan din ang urban gardening sa mga siyudad at iba pang malalaking munisipyo sa rehiyon.
Sinabi ni Engr. Blesita Tega, Regional Coordinator ng High Value Crops Development Program (HVCDP) na nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa mga siyudad para dito.
“Inaantay na lang natin ang kanilang pagtugon upang masimulan na rin ang implementasyon nito,” aniya.