Upang matulungan ang mga frontliners at health workers na nakatalaga ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC), namahagi ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) ng mga ready to cook Gourmix sa nasabing tanggapan kahapon, March 24, 2020.
Ito ay isang paraan upang ipakita ang suporta at pakikiisa ng Kagawaran sa mga frontliners sa kanilang laban kontra Covid-19.
Ang Gourmix ay orihinal na produkto ng DA-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC), isang Research Experiment Station ng DA-RFO 02 na nakabase sa City of Ilagan, Isabela.
Samantala, ang Gourmix ay may sangkap na adlai, bigas, puting mais, malunggay, soybean, giniling na munggo at luyang dilaw.
Pinangunahan naman nina DA RFO 02 Regional Executive Director Narciso A. Edillo, at OIC- Regional Technical Director Rose Mary G. Aquino ang pamamahagi sa 600 packs na Gourmix sa mga health workers at frontliners ng lalawigan.
Ipinahayag ni Edillo na hangad ng Kagawaran ang kaligtasan ng lahat lalo na ang mga health workers na nakatutok laban sa banta ng Covid-19 sa rehiyon.
Sa kabila ng krisis na kinakaharap ngayon ng bansa, umaasa ang Director ng Kagawaran na mareresolba ito sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga mamamayan at simpleng pagsunod sa mga alituntunin ng gobyerno.
(With reports from Barby Lagajet/Jaycee Capalungan)