Sa kabila ng banta ng COVID-2019 sa bansa, nakipag-ugnayan kahapon ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa mga kinauukulang ahensiya partikular ang Department of Interior and Local Government Regional Office 02 (DILG RO2) at Philippine National Police Regional Office 02 (PNP RO2) para sa agarang paghahatid ng agri-fishery products sa buong Luzon lalo na ang Metro Manila.
Personal na dumulog si DA-RFO 02 Regional Executive Director Narciso A. Edillo sa tanggapan nina DILG RO2 Regional Director Jonathan Paul M. Leusen at PNP RO2 Regional Director PBGen. Angelito A. Casimiro upang talakayin ang pagpapatupad sa food resiliency protocols at checkpoints na itinalaga para sa mga agri-fishery cargoes na lalabas ng rehiyon sa kabila ng Luzonwide Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Edillo, layunin ng Kagawaran na mapabilis ang paghahatid ng mga produkto at matiyak ang sapat na pagkain partikular sa National Capital Region na siyang pinakaunang nagpositibo sa kaso ng COVID-2019 sa bansa.
“Region 02 is food-self sufficient. Kaya sa mga panahong ganito, other regions need our help lalo na ang NCR. Tulungan natin sila at magkaisa tayo,” pahayag ni Edillo.
Suportado din ni DILG RO2 Regional Director Leusen ang direktibang ito ng DA lalo pa’t nakataya dito ang kapakanan ng mga konsyumers sa Metro Manila.
Aniya, patuloy ang kanilang koordinasyon sa PNP RO2 alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte o ang memorandum circular no. 77 na naglalayong panatilihin ang tamang presyo ng mga pangunahing bilihin at siguraduhin ang sapat na suplay ng pagkain sa panahon ng kalamidad.
Siniguro naman ni PBGen. Casimiro na walang dapat ikabahala ang mga agricultural suppliers sa rehiyon dahil hindi inaantala sa checkpoints ang mga ibinabiyaheng agri-fishery products basta’t magpresenta lamang ng mga kailangang dokumento kabilang ang food pass na inisyu sa kanila ng DA.
Samantala, naniniwala si Edillo na sa pamamagitan ng patuloy niyang pakikipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya at mga lokal na pamahalaan, mapapadali ang distribusyon ng pagkain sa buong Luzon.