Tuguegarao City — Umaabot na kahapon sa labing dalawang truckers/suppliers ng agricultural products ang nabigyan ng DA-Regional Field Office No.02 (DA-RFO 02) ng food lane accreditation at conduct pass sa buong Cagayan Valley.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, patuloy ang pagtanggap ng tanggapan sa mga application upang hindi masyadong maapektuhan ang delivery ng mga produkto sa ibat-ibang bahagi ng Luzon partikular ang Metro Manila.
Sa isinagawang ugnayan sa mga nakakuha na ng accredition, binigyan diin ni Edillo na dapat siguraduhin ng mga ito na makakarating ang mga produkto sa kanilang mga destinasyon.
Aniya, masugid na susubaybayan pa rin ng DA at mga ahensiyang kasama sa implementasyon ng foodlane ang movement sa mga kalsada.
“Dapat ninyong tandaan na may pinirmahan kayong commitment at kung lalabag kayo sa kasunduan ay aming ipapawalang bisa kaagad ang accreditation at blacklisted na kayo sa amin.”
Para mapabilis ang issuance, kahapon ay binigyan na rin ng kapangyarihan ang mga research stations ng DA-RFO 02 sa mga probinsiya na magproseso sa mga dokumento.
Dahil dito, inaabisuhan pa rin ng DA ang mga interesado na makipag-ugnayan lamang sa nasabing mga istasyon at Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), Regional Government Center, Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan.
Sa mga biahero ng buhay na hayop, siguraduhing mayroong iprisentang mga dokumento mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) tulad ng health certificate, shipping permit at registration ng sasakyan.
Sa karne naman, mga dokumento mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) gaya ng delivery van permit at sticker at meat safety certification.
Sa mga delatang produkto, ipakita din ang License to Operate (LTO) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Ang mga naturang ahensiya ay matatagpuan din sa Regional Government Center, Carig, Tuguegarao City.
(With reports from Hector Tabbun)