Sa kabila ng pag-ulan, naging matagumpay pa rin ang pagbisita ni Kalihim William D. Dar ng Kagawaran ng Pagsasaka noong Nobyembre, 9, 2019, sa Probinsiya ng Cagayan.
Dumating ang Kalihim upang pangunahan ang distribusyon ng Survival and Recovery (SURE) Aid Program, agriculture and fishery projects, launching ng rice-based products at pagpapasinaya sa mga proyektong pinondohan ng Philippine Rural Development Project (PRDP) sa lalawigan ng Cagayan.
Umaabot sa mahigit 745 Milyong Piso ang halaga ng mga naipamigay ng kalihim na kinabibilangan ng mga pautang, makinarya, binhi, kalsada, pasilidad sa processing ng dairy products, bangka at iba pang kagamitang pangisda.
“Nandito po ako upang iparating sa inyo na mayroon tayong gobyerno na nagtataguyod ng mga programa para sa ating mga kababayan,” aniya.
“Ako ay nakikiusap na tayo ay magtulungan sa maintenance ng mga proyektong naipamigay upang mas lalong mapapakinabangan ng susunod na henerasyon.”
Sinabi pa nito na ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nakahandang magbigay ng malaking pondo sa kagawaran upang lalo pang mapaunlad ang sektor ng agrikultura.
Malaki naman ang pasasalamat ni Governor Manuel N. Mamba sa mga ayuda na ibinahagi ng pamahalaan sa Cagayan.
“Para sa atin lahat ang mga proyektong ito kung kaya’t pangahalagahan natin sa pamamagitan ng malinis na governance,” sambit ng gobernador.
“Ito ang panahon ng pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng lipunan lalo na ang kahirapan. Magkaisa sana tayo para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bawat isa.”
Mahigit sa walong raan na mga recipients sa walong bayan ang nabigyan ng SURE Aid cards na mayroong laman na 15,000 pisong pautang, walang interes at babayaran sa walong taon.
Sa buong Cagayan, kulang ng dalawang libong recipients sa dalawamput limang bayan.
Kasama ni Dar sa distribusyon ng card si President Cecilia Borromeo ng Land Bank of the Philippines.
Isinasakatuparan ang SURE Aid sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Agricultural Credit Policy Council (ACPC).
Ang mga proyekto naman sa PRDP ay ang farm to market road sa Namabbalan, Tuguegarao City at tatlong barangay ng Penablanca, ang Baliuag, Cabbo at Bical na nagkakahalaga ng 200 milyong piso.
Ang kalsada ay tumututok sa Cagayan Dairy Enterprise na nai-turn over din ng kalihim na mayroong halagang labimpitong milyong piso.
Pinangunahan din ng kalihim ang launching ng brown rice products. Ito ay alinsunod sa observation ng National Rice Awareness Month (NRAM) ngayon November.
Ilan sa mga produkto ay brown rice cookies, red coffee, palayema at miki na gawa ng DA-RFO 02 partikular ang Cagayan Valley Research Center, SOuthern Cagayan Research Center at Northern Cagayan Experiment Station at mga magsasaka.
Nagkaroon din ng supplemental milk feeding na programa ng Philippine Carabao Center, Department of Health, Tuguegarao City at Integrated Farmers Cooperative.
Mainit na tinanggap sa lalawigan si Secretary Dar sa pangunguna ni Governor Mamba, Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City, Vice Mayor Marilyn Julia Taguinod ng Penablanca, Mayor Jennalyn Carag ng Solana, Mayor Carmelo Villacete ng Piat, Mayor Harry Florida ng Allacapan at ilan pang lokal na opisyal.
Sa DA-RFO 02, pinangunahan ni RED Narciso A. Edillo ang grupo kasama ang mga miyembro ng Regional Management Council ng Cagayan Valley.