Upang mabigyan ng tamang suporta ang mga magsasaka at matulungan sila sa mga problema na kanilang kinakaharap sa ngayon, inoorganisa na ng Provincial Local Government Unit ng Isabela ang isang Super Cooperative na kung tawagin ay Nagkakaisang Magsasakang Isabelino.
Ang kooperatiba ayon kay Governor Rodolfo Albano III ay naglalayong magkaroon ng lima hanggang pitong libong miyembro mula sa mga bayan ng probinsiya.
Sinabi ng gobernador na plano nilang gawing malakihan ang operasyon ng kooperatiba sa pamamagitan ng trading, milling at processing activities gaya ng ginagawa ng mga traders.
Tinitingnan din na ibebenta ang kanilang mga produktong bigas sa kinalaunan sa mga institutional buyers at malalaking siyudad na nangangailangan sa buong bansa.
Upang magkaroon ng pondo para sa kailangang mga pasilidad, balak ng kooperatiba na mag-apply ng pautang mula sa pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa pamamagitan ng Development Bank of the Philippines (DBP) o Land Bank of the Philippines (LBP).
Dalawang daang magsasaka kada munisipiyo ang target nilang isama para mabuo ang kabuuang membership.
Ang bawat miyembro ay inaasahang magbayad ng one time membership fee na isang libong piso.
Ang mga magsasaka na interesadong maging miyembro ay inaabisuhan na makipag-ugnayan sa kanilang mga Municipal Agriculturist para sa kaukulang intruksiyon.
Todo suporta naman ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFP 02) ang magandang planong ito ng Isabela.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, ito ay malaking tulong sa mga magsasaka na apektado ng pagbaba ng presyo ng palay at iba pang problema sa pagsasaka.
Matatandaan na hiniling ni Agriculture Secretary William D. Dar sa kanyang pagbisita sa Isabela kamakailan ang tulong ng mga lokal na pamahalaan na maglaan ng pondo para bibili ng mga ani ng mga magsasaka.
Kanya ring pinuri ang Isabela sa mga magagandang programa sa agrikultura gaya ng ayuda sa presyo na kung saan naglaan ng pondo ang probinsiya para sa dagdag na apat hanggang anim na pisong sa presyo ng National Food Authority (NFA).
Ang Isabela sa pamamagitan ng BRO Farmers Assistance Program ay mayroon ding subsidies sa crop insurance o paseguro, pasahe sa mga produktong ibebenta sa NFA, pautang na walang interest, scholarship kada pamilya ng magsasaka, livelihood programs at iba pa.
Sa ngayon, ang mga probinsiya ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino ay umaksiyon na rin sa pamamagitan ng paglaan ng pondo para sa mga ayuda na kailangan ng mga magsasaka.
Dati na ring tinatalakay ng DA ang mga programa gaya ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na bunga ng Rice Tarrification Law.
Ang taripang makukuha sa importasyon na aabot ng sampung bilyong piso kada taon ay ilalaan sa mechanization, seeds, credit, trainings at research undertakings upang ang mga magsasaka ay matutulungan sa pamamagitan ng pagbaba ng gastos sa inputs.
(Photo courtesy by Ms. Kay Olivas, Chief, PMED, DA-RFO 02)