Lalo pang pinapalakas ang pagbabantay ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) upang mapanatiling African Swine Fever (ASF) free ang Lambak ng Cagayan.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso A. Edillo, nagdagdag na ang DA-RFO 02 at ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng mga tauhan na magbantay sa mga checkpoints, airports at seaports.
“Ito ay upang mas maiwasan ang pagpasok ng mga baboy at ilan pang produkto sa rehiyon na maaring apektado ng nasabing sakit,” ani Edillo.
Upang mapalakas ang surveilance activities, nakikipag-ugnayan na rin ang DA-RFO 02 sa lahat ng mga local chief executives partikular ang mga governors, mayors at barangay captains upang tumulong.
Sa coordination meeting noong September 11, 2019, nagbigay ng suporta si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa adhikain sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga checkpoints sa boundaries ng siyudad.
Bibisitahin naman ng DA-RFO 02 ngayong araw sila Cagayan Governor Manuel Mamba at Quirino Governor Dakila Carlo Cua sa kaukulang briefing sa prevention at control measures.
Ang mga probinsiya ng Isabela at Nueva Vizcaya ay nagsagawa na rin ng mga aksiyon para sa implementasyon ng regional action plan laban sa ASF.
Matatandaan na nabuo na rin ang Regional at Inter-Agency ASF Task Force na kung saan isang resolusyon ang ipinalabas na patunay sa kahandaan ng mga ahensiya, lokal na pamahalaan at pribadong sektor na mag-ambag ng suporta.
Maging ang mga regional directors ng Department of Interior and Local Government at Office of Civil Defense ay naging vocal sa kanilang tulong.
Patuloy din ang pagbibigay ng mga briefing sa mga munisipiyo at barangay at babasahin sa publiko tungkol sa ASF.
Ilan sa mga isinusulong ng DA at BAI na maaring gawin para maiwasan ang ASF lalo na sa mga nag-aalaga ng baboy ay pag-iwas sa pagpapakain ng mga tira-tira o swill feeding at hindi pagpasok ng mga delatang produkto mula sa mga apektadong bansa.
Pinapayuhan din ng DA ang mga swine raisers nq ipaalam kaagad sa kanilang mga Provincial, City Veterinarian at Municipal Agriculturist kung may mga napapansing hindi maganda sa mga alaga upang mabisita ang mga ito.
Noong Lunes lamang ay inanunsiyo na ni Kalihim William D. Dar na positibo sa ASF ang mga baboy na nagkakamatay sa Rizal at Bulacan.
Pero sa kabila nito, sinabi ng Kalihim na ang pagkain ng karne ng baboy ay ligtas pa rin sa mga tao.
Kanyang inabisuhan ang publiko na bilhin lamang ang mga karneng may tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) upang mas makasigurado.
Ang ASF ay nakakahawa lang sa baboy at walang epekto sa mga tao.