Ipinahayag kaninang umaga ni Agriculture Secretary William D. Dar sa DZDA 105.3 FM, educational radio station ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), ang bagong programang pautang sa mga magsasaka .
Sa radio program, Agriing Kayon Director’s Hour, ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo, ipinaalam ni Secretary Dar na ang loan assistance ay nakatuon sa mga rice farmers na mayroong isang ektarya pababa.
Ang mga magsasaka ay makakautang ng P15,000.00 kada ektarya at babayaran sa loob ng walong taon na walang interest.
Sa kanyang online message, sinabi ni Secretary Dar na ang roll over o simula ng programa ay sa September 1, 2019.
Umaasa naman si RED Edillo na ang programa ay makakatulong sa libu-libong mga magsasaka ng lambak ng Cagayan.
Aniya, isa sa mga pangunahing problema ngayon ng mga magsasaka ay ang kakulangan ng puhunan sa kanilang mga farming operations.
Ilan din sa mga pagtutuunan ng pansin ng kalihim ay ang state farming at adjustment ng planting calendar para maiwasan ang epekto ng mga kalamidad.
Samantala, bibisita naman si Secretary Dar sa rehiyon dos bukas, August 20, 2019.
Ang kalihim ay nakatakdang maging Guest of Honor and Speaker sa isasagawang National Organic Agriculture Scientific Conference na gagawin sa Cauayan City, Isabela.
Bibisitahin din nito ang ilang mga proyekto ng DA gaya ng monolithic dome sa Cauayan City, Solar Powered Irrigation System (SPIS) at briefing tungkol sa Fall Army Worm sa DA-Cagayan Valley Research Center (CVRC), San Felipe, Ilagan City.
Ito ang magiging kauna-unahang official visit ng kalihim sa Cagayan Valley.
“William Dar · 1:00:12 Loan assistance for rice farmers tilling one hectare and below of P15,000/ha zero interest payable in 8 years. Wala na yong cash assistance.”