Opisyal na nanumpa bilang Farmer Director sa loob ng buwan ng Mayo si Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC) Chair Isidro Acosta, Sr. ngayong araw.
Sa isang simpleng seremonya, pormal na tinanggap ni Acosta ang tungkulin mula kay Regional Executive DIrector Narciso A. Edillo ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02).
Ang kanyang pag-upo upang pangunahan ang mga aktibidad ng regional office ng DA ay bilang bahagi sa nasyonal na selebrasyon ng Farmers and Fisherfolks Month ngayong buwan ng Mayo.
“Ito ay upang mas maiparamdam sa ating mga kliyente ang tamang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng salitan ng serbisyo ng mga stakeholders na direktang tumutulong sa industriya,” ani Edillo.
“Binibigyan natin ng tamang suporta ang hakbang na ito dahil ako’y naniniwala na ang serbisyo publiko ay kaya ng bawat isa sa atin.”
Ayon naman kay Acosta, siya ay nagpapasalamat sa management na binigyan siya ng pagkakataon upang makapaglingkod maski sa loob lamang ng isang buwan.
“Salamat sa tiwala. Sa tulong ninyong lahat, ako ay naniniwala na marami tayong magagawa sa maiksing pagkakataong tayo ay magsasama-sama,” aniya.
Matatandaan na mula noong umupo bilang Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka, isa sa mga ipinatupad ni Secretary Emmanuel F. Pinol ang pag-upo ng mga RAFC Chair bilang Farmer Director sa mga rehiyon sa buong bansa.
Siya ay naniniwala na ang hakbang na ito ay magkakaroon ng komplementasyon ng resources ang mga stakeholders at magkaroon ng nagkakaisang pagpapatupad sa mga programa ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda.