Nagsisimula ang bawat araw natin sa isang tasa ng kape.
‘Yung iba ang tanong “Para kanino ka bumabangon?” Aminin mo man o hindi ito ang nagpapagising sa atin sa umaga.
Sa isang malayong barangay sa kabundukan ng Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya natagpuan namin ang isang komunidad na umuusbong dahil sa kanilang kakaibang dedikasyon sa pagkalinga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng Arabica coffee.
Sa bawat higop natin ng matapang na kapeng barako ay may nakatagong kuwento.
Kuwento na magpapaala sa atin na ang mga butil ng kape na ito ay dumaan sa mga kamay ng ating mga magigiting na magsasaka.
Mahirap, matagal at kalimitan hindi napupuntahan.
Ganito kung ilarawan ng ilang mga residente ang kanilang lugar dahil kailangan mo pang baybayin ang bahagi ng Carranglan, Nueva Ecija para marating ang kanilang lugar.
Pero sa layo mo makikita ang nakatagong ganda ng kalikasan dahil dito malamig ang panahon at sasalubong ang mga matatamis na ngiti ng mga lokal.
Ngunit sa mga suliraning ito ay nakatago ang isang komunidad na dala ay isang magandang oportunidad sa sinasakupan nito.
Nabuo ang Bugkalot Coffee Farmers’ Multi-purpose Cooperative (BCF MPC) sa taong 2012 na may inisyal na miyembro na 100 at nagkaroon ng inisyal na bayad na 500 pesos para sa kanilang pondo.
At taong 2014, narehistro ang kooperatiba sa Cooperative Development Authority (CDA).
Ang kooperatibang nabuo ay sakop ng limang barangay ng Talbec, Cauayan, Pelaway, Lipoga at Abaca na kasama sa Casecnan Protected Landscape (CPL).
Akma nga raw rito ang ganoong klase ng binhi kaya naman nakita nila ang oportunidad na humingi ng tulong sa Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) upang matugunan ang lumalaking kakulangan sa demand sa merkado.
Sa taong 2014, nagbigay ang DA NVES ng paunang 50 arabica coffee seedlings na idinagdag na pananim sa 10 to 15 hectares plantation area.
Sa taong ito, nag-expand ang grupo ng 30 hectares at umabot na sa rin sa 40,000 standing crop ang kanilang inaalagaan.
Ayon kay Patricio Pasigian, manager ng BCF MPC, nakakuha na rin sila ng mga tulong sa DA tulad ng coffee seedlings at 170 sacks ng fertilizer. Samantala nagbigay ng depulper at dehauler and Department of Trade and Industry Rehion 02, at portasol naman ang naibigay ng Department of Science and Technology Region 02.
Sa kasalukuyan may 20 regular employee ang kooperatiba na nangangasiwa sa libo-libong coffee seedlings at plantation.
Anuman ang tagumpay ng grupo nagkaroon pa rin sila ng mga sigalot na kinaharap. Una sa listahan ay ang rust at fertilization.
“Mabuti na lang na andiyan ang DA na palagi kaming tinutulungan at pinupuntahan dito sa Talbec’” ani ni Pasigian na lubos ang pasasalamat.
Malaki ang tulong ng pagkakape sa grupong ito. Nariyan at nakapagpatapos na sila ng kanilang mga anak sa kolehiyo at kahit papaano ay napupunan nila ang kanilang pangangailangan sa pang-araw araw.
Sa taya ng kanilang manager, tagumpay ang kanyang nais isigaw dahil sa buwan ng Agosto hanggang Enero sa taong ito umani sila ng dalawang (2) metriko tonelada.
“Maganda ‘yung ani namin sa kape kaya balak ng grupo namin na mag-expand pa hanggang 200 hectares ng kape,” dagdag niya.
Masasabing may laban ang kapeng pinaghirapan ng magsasaka rito. Ayon kasi sa isang Chinese buyer galing Maynila, 83 % grado ang binigay sa kape ng BCG MPC.
Ang mga kapeng ito ay binebenta naman sa isang coffee shop sa Maynila ng Bugkalot Coffee Company.
Sa ngayon ang malaking parte ng kanilang produksion ay binebenta sa Maynila habang inaayos pa rin nila ang kabuuang Sistema ng paggawa ng kanilang sariling produkto.
Wala naman sikreto ang itinago sa ganitong uri ng kape kung hindi sipag at tiyaga na sinabayan ng dedikasyong piliin ang angkop na bunga para hindi masira ang uring ito.
Sabay-sabay nating tikman ang nakatagong biyayang ipinagkaloob sa isang malayong komunidad ng dinayo ng aming team upang alamin ang kuwento sa likod ng umuusbong na industriya ng kape.
Tara at saluhan niyo kami sa panalong Arabica Coffee ng mga kapatid nating Bugkalot sa dakong paroon. (With reports from Barby Accad Lagajet )