ANG KUWENTONG TAGUMPAY NI TESSIE CUNTAPAY, PEANUT QUEEN NG CAGAYAN VALLEY

Sa bayan ng Enrile, Cagayan matatagpuan ang Peanut Capital of the Philippines na kung saan umusbong ang new gold kung tawagin ng mga residente rito.

Ang mani ay isang itinuturing na gintong ani sa bayan na kung saan naging isang oportunidad ang High Value crops na ito na mai-angat ang buhay ng bawat magsasaka rito.

Isa sa kanila si Teresita “Tessie” Cuntapay na binansagang “Peanut Queen” kasi naman mistulang siya’y isang game-changer sa kanilang komunidad.

Bago pa kasi siya nagtagumpay sa industriyang ito ay marami rin siyang tinahak na mga suliranin at pagsubok sa pagmamani.

Nagsimula siya bilang isang magsasaka at ngayo’y tinatahak na ang landas ng pagiging isang agri-preneur.

Sa taong 2014, inumpisahan ni Tessie ang pagbebenta ng raw materials sa ilang mga big buyers nito sa Lungsod ng Tuguegarao.

Sa 20,000 pesos na kapital, ang negosyong kanyang inumpisahan ay pumapalo na sa merkado at nagbibigay din ng kabuhayan sa kanyang komunidad.

Ayon kay Tessie, sa maliit na kapital na ito natutunan niyang palaguin ang mga resources na akala niya lang dati ay imposibleng makamit.

Sa tulong ng Department of Agriculture Regional Field Offcie No. 02 (DA RFO 02) at Department of Trade and Industry Region 02 (DTI R02), nakakuha siya ng mga gamit tulad ng packaging, labelling, at kaukulang trainings upang mas mapaunlad pa niya ang kanyang negosyo.

Sa ngayon, mayroong siyang anim (6) na empleyado na katulong niya sa pagproproseso ng kanyang apat (4) na ipinagmamalaking produkto.

Ito ay ang peanut adobo skinless, peanut ball, peanut butter, at peanut roasted.

Ang lahat ng ito ay matatagpuan sa ilang mga display centers sa lambak ng Cagayan tulad ng Lighthouse Cooperative sa Tuguegarao City at sa Enrile Public Market sa Enrile, Cagayan. Sumasali din siya sa mga isinasagawang trade fairs at TienDA Malasakit Store ng DA.

“Inaanyayahan ko kayong lahat na kung may gusto kayong marating lalo na sa industriyang sa tingin niyo ay nag-istrugle hanggang sa ngayon, ‘wag po kayong mawalan ng pagasa. Dahil sa pagmamani ay natulungan ko ang aking pamilya lalong lalo na ang aking mga anak na makatapos sa kanilang pag-aaral,” ani ni Tessie.

Sinubok man siya ng ilang bagyo nanatiling buhay at nakatindig ang kanyang mga inumpisahang mga pangarap. Sinong mag-aakala na sa simpleng produktong iyon ay titingalain siya ng kapwa niya magsasaka at komunidad na humubog at nagpatibay sa kanya sa pagkalipas ng ilang mga panahon.

Ang pagiging agri-prenuer ay isinusulong ng DA RFO 02 dahil mas tumataas ang kita ng mga Magsasakang Pinoy.