Tuguegarao City, Cagayan – Puspusan ngayon ang ginagawang monitoring ng Department of Agriculture- Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa pamamagitan ng Regional Crop Protection Center (RCPC) upang makagawa ng kaukulang stratehiya para mapigilan ang pagkalat at masugpo ang maaring pagdami ng populasyon ng “Rice Black Bug” (RBB) o Itim na Atangya sa mga pangunahing produksyon ng palay sa rehiyon.
Ayon kay Gng. Herlinda I. Tulauan, OIC-Chief ng DA-RFO 02 –RCPC, Carig, Tuguegarao City, Cagayan, base sa reports ng mga magsasaka at City Agriculturist, sa siyudad ng Ilagan, Isabela nitong nakaraang linggo, namataan ang presensya ng itim na a tangya” sa nasabing siyudad partikular sa Barangay San Ignacio.
Kung matatandaan, sa nakalipas na taong 2018, ang RBB ay nakarating din sa tatlong barangay sa Santiago City ( Nabbuan, Sta Rosa, Balintucatoc) na tinatayang may lawak na 40 ektarya at sa barangay Faustino, Cauayan City, Isabela.
Base sa ginawang field validation ng DA-RCPC team sa pamumuno ni G. Cenon Mallillin, Science Research Specialist II, DA-RCPC, ang nasabing RBB ay umatake na sa San Ignacio, City of Ilagan, Isabela at tinatayang nasa 15 ektarya ng palayan ang naapektuhan.
Ipinaliwanag ni Mallillin na karamihan sa kinuhanan nilang “20 samples rice plants” (randomly) ay nasa “tillering stage” o pagsusuwi sa 20 sites. Ang posibleng pagdami ng RBB ay ang hindi sabayang pagtatanim ng palay sa lugar.
Dagdag pa niya, ang RBB ay umaatake sa palayan sa halos buong yugto ng palay lalo na sa pag-uuhay ng palay hanggang sa pagpapahinog nito. Kung kaya’t ang pinaka-apektadong mga yugto ng palay ay mula pagsusuwi hanggang sa paghinog nito.
Samantala, sa bawat sample plant na kinuhanan nila ay tinatayang mga apat (4) hanggang limang RBB ang populasyon nito bawat puno at itinuturing na “quite alarming” ang ganitong dami dahil nakapagpapababa rin ito sa ani kahit kaunting pinsala lamang. Dagdag pa niya, na nakababawas ito ng ani dahil sa pagkakaroon ng mga pipis at kaunting butil sa bawat uhay.
“Kung mayroong 10 RBB bawat puno ay maari nang makapagpapababa ito ng ani mula 15% hanggang 23%,” aniya.
Dahil na rin sa kakulangan ng “Bio-Control Agents” partikular ang “Metarhizium anisopliae na mainam sa pagsugpo ng RBB noong nakaraang linggo, iminungkahi muna ng grupo ni Mallillin ang pansamantalang paggamit ng insektisidyo para sa agarang pamamahala upang mapigilan ang mabilis na pagdami ng populasyon ng RBB sa nasabing lugar.
Ang mga insektisidyong kemikal na may “active ingredients” kagaya ng “beta cyfluthrin, cerbaryl at lambda-cyhalothrin, pyrethroid, cypermethrin) ay pwedeng gamitin na pang-spray sa nasabing RBB. Makikita sa bote ng mga nabanggit na insektisidyo ang mga paraan kung paano ang pag-spray sa mga palayan na may RBB.
Noong January 15, 2018, nagpamudmod ang RCPC ng 75 paketeng Metarhizium anisopliae, na kung saan limang (5) pakete bawat ektarya ang ibinigay sa mga magsasaka na naapektuhan ng RBB ang kanilang palayan.
Kasalukuyang na rin ang pagpapaigting sa “Monitoring and Surveilance Team” ng DA-RCPC sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “massive briefing at information campaign” na may kaugnayan sa tamang pagtukoy ng mga pinsala at maaring epekto ng RBB sa mga palayan. Narito ang ilan sa mga pinsala ng RBB sa palay:
- Bansot at naninilaw o namumulang kayumanggi ang mga dahon.
- Patay na “suwi” o “deadheart” kung saan ang suwi ay nagiging brown o kayumanggi at namamatay sa panahon ng pagsusuwi ng palay.
- Puting uhay at nagiging pipis ang mga butil ng palay.
- Natutuyo ang mga palay (bugburn) dahil sa sobrang pagsipsip ng maraming RBB.
Upang lalong mapangasiwaan ang RBB sa natural na pamamaraan, iminumungkahi ng grupo ng DA-RCPC ang mga sumusunod:
- Magtanim ng barayting paaga o early maturing.
- Magtanim ng sabayan sa komunidad.
- Protektahan at paramihin ang mga kaibigang insekto sa pamamagitan ng hindi basta-bastang paggamit ng lason sa palayan.
- Magtanim ng mga namumulaklak na halaman. Ito ang magsilbing tahanan at mapagkukunan ng pagkain ng mga kaibigang insekto sa siyang aatake sa RBB.
- Panatilihing malinis ang palayan. Alisin ang mga damo na maaring pamamahayan ng RBB.
- Gumamit ng “light trap” upang mamonitor kung mayroong RBB sa isang palayan. Ang mga nahuling RBB ay maaring ibaon sa lupa.
- Araruhin ang lupa pagkaani, ihalo ang mga dayami sa lupa upang masira ang kanilang pinamamahayan at pagtataguan.
- Patubigan ang palayan upang hindi na mabuo ang mga RBB at para umalis sila sa puno.
- Mag-alaga ng mga itik sa palayang hindi ginagamitan ng kemikal. Ang mga itik ang siyang kakain sa RBB at iba pang peste sa palayan.
- Gumamit ng Metarhizium anisopliae kung may nakitang RBB sa bawat puno ng palay.
Hinihikayat din ang lahat ng mga magsasaka sa Rehiyon Dos na mag report o agarang isumite ang mga puno ng palay na nakakitaan ng RBB sa mga malalapit na tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa kani-kanilang lugar.
Ang Rice Black Bug o “Itim na Atangya” ay isa sa pinakamahirap na sugpuin na peste sa palayan.
Nimpa at ang “adult” na RBB ang sumisipsip sa katas ng puno ng mga suwi ng palay na malapit sa ibabaw ng tubig.
Sa sahod-ulan, at maging sa upland, ang pinsalang dulot ng RBB ay maaring mag-dulot ng pagkamatay ng halaman dahil sa sobrang tindi ng pag-atake nito.