Matagumpay na idinaos ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang Regional Consultation Meeting on Food Safety sa DA-Cagayan Valley Research Center (CVRC), San Felipe, City of Ilagan, Isabela.
Ang aktibidad ay naglalayong ibahagi sa publiko ang mga ginagawa ng pamahalaan upang mapanatili na ligtas ang mga produktong kinakain sa araw-araw.
Ayon kay Regional Technical Director for Research and Regulatory Rose Mary G. Aquino, ang consultation ay nagsilbing eye-opener sa mga participants na kinabibilangan ng mga magsasaka, agriculture and fishery council at kawani ng mga lokal at nasyonal na pamahalaan.
“Maganda ang naging resulta dahil nalaman nila ang mga updates sa Good Agricultural Practices (GAP), Good Animal Husbandry Practices (GAHP), Pesticide Residue Analysis, Anti-Microbial Resistance, Mycotoxin, Heavy Metals at Community-Based Participatory Action Research (CPAR),” ani Aquino.
“Umpisa lamang ito ng marami pang mga aktibidad na gagawin ng DA tungkol sa food safety.”
Tinalakay din ng mga Resource Persons na pawang galing sa DA-RFO 02 ang Food Safety Program Framework/Roadmap at Integrated Laboratory Services bilang support programs.
Malaki naman ang pasasalamat ni Ginoong Dexter Ramos ng Cadaanan, Solana, Cagayan sa aktibidad.
“Bilang opisyal ng aming vegetable growers association, ako ay nagpapasalamat sa DA sa aming partisipasyon sa meeting na ito. Sa inyong ibinigay na test kit, maraming salamat din kasi nagagamit namin ito upang matingnan na ang aming mga produkto ay ligtas kainin,” aniya.
Ilan sa mga mahahalagang output ng grupo ay ang pagbuo ng resolution na may titulong “Recommending the DA-RFO 02 to Conduct Pesticide Residue Analysis and Issue Certification or Label/Sticker to All Vegetable Crops and Selected Fruits Below the Maximum Residue Level (MRL)” at tagline para sa Cagayan Valley patungkol sa food safety na”Safe Food, Save Lives: Food Safety is Everyone’s Responsibility.”