Ipinakita ng mga mamamayan ng Lambak Cagayan ang importansiya ng bawat butil ng bigas o kanin sa pamamagitan ng selebrasyon ng National Rice Awareness Month (NRAM) 2018 culmination program sa Robinsons Mall, Tuguegarao City kahapon, Disyembre 4.
Inilapit ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang programang ito sa isang mall sa siyudad upang makahikayat ng mga taong makilahok sa layuning huwag magsayang ng bigas o kanin sa bawat hapag kainang pinagsasaluhan ng bawat pamilyang Pilipino.
“Ang region 02 ay may sapat na suplay ng bigas at tayo rin ang isa sa nagsusuplay ng bigas sa merkado lalo na sa Metro Manila”, ani ni Regional Executive Director Narciso Edillo sa kanyang talumpati sa harap ng mga estudyante, magsasaka, Local Government Units (LGUs), at mall goers, “ngunit hindi ito dahilan upang tayo ay magsayang ng bigas o kanin”.
“Sa programang ito ng DA, hindi lamang tayo nakakatulong kung hindi isa rin tayo sa solusyon sa problema ng rice wastage sa bansa”, dagdag ni Edillo.
Sa taong ito hinikayat ng DA ang bawat isa na lumahok sa kampanyang “Quality Rice. Quality Life”.
Maraming paraan kung paano makakatipid at maisalba ang bawat masasayang kanin o bigas ang nailatag sa programang ito kahapon.
Sa simpleng pag-obserba natin sa apat na K makakatulong tayo sa kampanyang ito, una ay ang Konti-Konting Kanin Muna nang maiwasan ang tiring kanin sa pinggan, Kakaibang “Kanin” Naman na pwedeng ihalo sa puting bigas tulad ng mais, saba, at kamote, Kumain ng Brown Rice o Pinawa at ang huli ay Kilalanin at Pasalamatan ang mga Magsasaka.
Ibinida rin ang mga natatanging mga produktong gawa sa palay at brown rice.
Tampok rin sa programa ang produktong Palaytalbugan, Cooked Brown rice, On-the-spot Quiz bee, at Zumba na dinaluhan ng mga magsasaka, high school at college students, state colleges at universities, mall goers at DA operating Units.