Pormal ng iprinesenta ng mga alkalde at kanilang mga representative ang Food Security Plan ng mga munisipiyo ng Northern Luzon kahapon kay Secretary Emmanuel F. Pinol ng Department of Agriculture (DA).

Sa isinagawang Municipal and City Food Security Summit sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City na may temang, Mamamayan Ko, Pakakainin Ko, masayang tinanggap ni Pinol ang mga plano.

“Ang inyong mga plano ay siyang gabay ng DA sa pagbibigay ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at pagbuo ng 5 year National Food Security Plan na isasakatuparan natin sa darating na 2020,” aniya.

Binigyan diin ng kalihim na sa dami ng mga pangangailangan ng mga bayan upang makamit ang sapat na pagkain sa kanilang mga lugar, kinakailangang magtulungan ang DA at LGU sa hangaring ito.

“Dapat sa inyo manggagaling ang mga datus sa kung anong proyekto ang dapat maisakatuparan at ikunsidera ng DA para sa mas komprehensibo at makatotohanang ayuda na aming ibibigay.”

Ayon pa sa Kalihim, kaniyang naiintindihan ang kakulangan ng pondo ng pamahalaan at hindi sapat para sa mga interventions na isinumite sa ahensiya.

“Ngunit tayo ay umaasa na sa approval ng budget ng DA kahapon sa Kongreso ay magkakaroon ng mas malinaw na implementasyon ng mga proyekto gaya ng kalsada, irigasyon, pautang at iba pa.”

Hinikayat din niya ang mga lokal na opisyales na kung maaari ay isumite sa Kongreso ang mga natapos ng Municipal Food Security Plan para sa kaukulang pondo.

Kinumpirma din ni Pinol na maaring madagdagan ang pondo na 55 Bilyon para sa 2019 matapos magbigay diumano ng pahayag si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na kanilang ikunsidera ang additional 10Billion para sa DA.

“Sa mga nasalanta naman ng Bagyong Ompong, naglabas na tayo ng budget na nagkakahalaga ng 300 Milyong Piso para sa rehabilitation,” aniya.

“Inaasahan na mailalabas na rin sa darating na mga araw ang susunod na tranche na nagkakahalaga ng 800 Milyong Piso para sa pagbangon ng ating mga magsasaka.”

Ang summit ay dinaluhan ng mga City/Municipal Mayors, Vice Mayors, City/Municipal Agriculturists, Municipal Councilors at ilan pang mga opisyales ng LGU at DA.

Ang Cluster A ay binubuo ng apat na rehiyon, ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera, dalawamput dalawang probinsiya at 425 cities/municipalities.

Ito ay mayroong 1,214,000 ektaryang lupain at mahigit dalawamput dalawang milyong populasyon.

Ang Luzon A ay mayroong ambag na 430 Bilyong Piso sa Gross Regional Domestic Product o 28.18 share sa national agri-Gross Domestic Product.

Ito rin ay nangunguna sa national production ng rice, corn, chicken, hog, milkfish, tiger prawn, tilapia, cabbage at mango.

Sinuportahan naman ng todo ng mga regional offices ng DA ang summit.

Kumpleto ang attendance ng apat na DA Regional Executive Directors na sina Lucrecio R. Alviar, Jr. ng RFO 1, Narciso A. Edillo ng RFO 2, Roy M. Abaya ng RFO 3 (Cluster Head) at Cameron Odsey ng CAR kasama ang kanilang mga opisyales.

#MamamayanKoPakakaininKo
#LetsClaimFoodSecurityInOurTowns
#KayangKayaKungSamaSama