Hinikayat ngayon ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang mga kabataan sa Lambak ng Cagayan na tumulong sa produksiyon ng sapat na pagkain para sa lahat.
“Alam ko na maski bata pa kayo ay mayroon ding maitulong sa food security program ng ating gobyerno,” ani Edillo.
“Ang pagtatanim ng gulay sa inyong mga paaralan at bahay ay napakahalaga na inyong matutunan.”
Sa araw na ito ay ginaganap ng DA-RFO 02 ang On-the-Spot Poster Making Contest bilang bahagi sa darating na selebrasyon ng World Food Day (WFD) sa October 16.
Taun-taon itong isinasagawa ng DA katuwang ang United Nations – Food and Agriculture Organization (UN-FAO) at Department of Education.
Ang regional winner ay siyang kakatawan sa Cagayan Valley sa national contest na gaganapin sa DA-Central Office bago ang October 16.
Idinagdag pa ni Edillo na ang DA ay patuloy na aalalay sa mga paaralan upang maisakatuparan ang Gulayan sa Paaralan at Bakuran sa buong rehiyon.
“Ang gardening na ginagawa natin noong tayo ay nasa elementarya pa lamang ay dapat maibalik,” aniya.
“Turuan din natin ang ating mga anak sa tamang asal upang sila ay magiging responsableng mamamayan at lider ng susunod na henerasyon.”
Ang WFD ay inilunsad ng FAO noong 1979 sa pamamagitan ng isang resolusyon ng mga nagkakaisang bansa na labanan ang kahirapan, malnutrisyon at gutom.
Mula noon ay taun-taon na itong ginagawa sa buong mundo bilang pagtalima sa organisasyon ng United Nations kasama ang Pilipinas noong 1945.
Ang tema sa taong ito ay “Our Actions Are Our Future, a #ZeroHunger World by 2030 is Possible.