Mahigpit na sinusubaybayan ngayon ang insektong Brown Plant Hopper (BPH) o Ulmog matapos itong maminsala ng mga palayan sa bayan ng San Mateo, Isabela.
Upang maagapan ang mga tanim sa mapaminsalang peste, inirekomenda ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa pamamagitan ng Regional Crop Protection Center (RCPC) ang massive spraying sa halos 3,000 hektaryang palayan sa San Mateo at maging sa bayan ng Cabatuan, Isabela.
Bilang tugon sa mga nasirang pananim na umabot sa 2.7 hektarya, namahagi ang DA-RCPC ng 39 kgs. ng insektisidyo sa bayan ng San Mateo samantalang 8 kgs. naman sa bayan ng Cabatuan.
Ipinapayo ng DA-RCPC sa mga magsasaka na ipagpatuloy ang panunubaybay sa mga palayan at ireport sa mga Municipal Agriculturist o Agricultural Extension Workers (AEWs) sa kanilang lugar ang posibleng pag-atake ng mga ulmog upang mabigyan ng agarang solusyon.
Minamanmanan naman ngayon ng DA at ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Isabela ang sinasabing infestation sa bayan ng Roxas.
Ayon kay Ginang Marina Camba ng OPA Isabela, nakikipag-ugnayan na sila sa Lokal na Pamahalaan ng Roxas upang masolusyunan ang nasabing kaso at hindi na kakalat pa.
Aniya, ang ulmog ay naobserbahan pa niya bago dumating ang bagyong Ompong.
I-monitor at obserbahan ang sitwasyon ng palayan upang maagapan ang anumang pagbabadya o pag-atake ng Ulmog.
Malaki ang naitutulong ng sabayang pagtatanim laban sa mga peste sa palayan. Hikayatin ang lahat ng magsasaka sa inyong lugar na magtanim ng sabay-sabay.
Iwasan ang sobrang paggamit ng nitrogenous fertilizers gaya ng 46-0-0 (urea) o 21-0-0 ammonium sulfate.
Gumamit lamang ng pestisidyo kung kinakailangan. Ang sobra o maagang paggamit ng pestisidyo ay maaaring magdulot sa mga peste ng pesticide resistance o immunity na maaaring maging dahilan ng mas malalang pagdami ng mga ito.
Ang maling paggamit ng pamatay-peste ay maaari ring maging sanhi ng pagkasira, pagkamatay at pagkawala ng mga kaibigang kulisap tulad ng putakti, gagamba, pagong-pagongan, berdeng atangya, atbp. na kumakain at nagpapababa ng populasyon ng mga pesteng insekto tulad ng Ulmog.
Alisin agad ang mga halamang may sakit at mga damo upang hindi mahawa ang mga malulusog at walang sakit na pananim.
Panatilihing malinis ang palayan.
Ipahinga ang lupa sa loob ng isang buwan.
Samantala, naglabas naman ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng advisory sa mga Regional Executive Directors ng DA na patuloy ang pagmamanman sa mga sakahan upang maiwasan ang posibleng infestation ng ilang peste na naobserbahan noong fourth quarter ng 2017. Ilan sa mga ito ay ang stemborer, rodents, at rice tungro virus.
Para sa karagdagang kaalaman, narito ang mga hakbang sa tamang pag-alalaga ng palay upang maiwasan o mapuksa ang mga pesteng ulmog: (Sources: International Rice Research Institute, Philippine Rice Research Institute)
(Photo courtesy of Philippine Rice Research Institute)