Mahigit sa limang libo ang nagtapos sa School-on-the Air (SOA) on Climate Smart Agriculture in Cagayan Valley o Kaalamang Pagsasaka sa Himpapawid noong Agosto 24, 2018 sa Isabela State University (ISU), Echague Campus, Echague, Isabela.
Maituturing na pinakamalaking SOA sa kasaysayang ng Rehiyon Dos, ang mga graduates ay nagmula sa apat na probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino. Malaki ang pasasalamat ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa mga dumalo dahil sa kanilang sakripisyo na nag-aral sa loob ng limang buwan at pagdalo sa mass graduation.
“Bilang ama ng agrikultura sa rehiyong ito, ako ay sumasaludo rin sa ating mga labingwalong partner agencies, lokal na pamahalaan, state universities and colleges at pribadong sektor sa matagumpay na SOA na mayroong target enrolees na sampung libo,” ani Edillo. “Sa isa na namang pagkakataon, ipakita natin na sa rehiyon dos, tayo ay nagkakaisa upang isulong ang kapakanan ng mga magsasaka at ng sektor ng agrikultura.”
Ang SOA ay mayroong animnapung episodes at isinahimpapawid sa labindalawang radio stations sa apat na probinsiya. Tinalakay dito ng mga resource persons mula sa mga ahensiyang nagtulung-tulong ang mga kaalaman tungkol sa mitigation at adaptation measures sa climate change at rice production.
Naging pangunahing bisita at tagapagsalita si Secretary Francis N. Tolentino, Presidential Adviser on Political Affairs bilang kinatawan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go at Secretary Emmanuel F. Pinol na pawang hindi nakadalo dahil sa mga mahahalagang gawain sa Mindanao.
“Napakapalad ninyong mga magsasaka sa rehiyon dahil nagkaisa ang mga ahensiya at naisakatuparan ang adhikaing maipaalam sa inyo ang mga makabagong techniques sa pagasasaka at climate change,” aniya.
“Hayaan niyo na ibalita ko sa ating Mahal na Pangulo at sa mga pupuntahan ko pang mga lugar ang inyong napakagandang ginawa.” Umaasa si Tolentino na maipagpatuloy ng Region 02 ang kanyang katayuan bilang nangunguna sa produksiyon ng mais, pangalawa sa palay at pinanggagalingan ng dekalidad na gulay, prutas, kambing, tupa, at marami pang iba. Pinarangalan bilang Outstanding Regional Top Awardee si Marlon Edralin ng Luna, Isabela.
Idineklara din bilang outstanding sa bawat probinsiya sina Manuel Ubias, Camalaniugan, Cagayan. Luis Tasani ng Cordon, Isabela, Celso Gabaon at Jesusa Gacusan ng Diffun, Quirino. Samantala, Outstanding Province naman ang Nueva Vizcaya at Outstanding Municipality ang Bambang, Nueva Vizcaya. Sa kanyang testimony, nagpasalamat si Edralin sa DA at partner agencies sa isinagawang SOA. “Marami na rin akong mga sinalihan na SOA pero hindi maikakaila na ito na ang pinakakomprehinsibo at pinakamalaking pag-aaral sa radyo sa buong Cagayan.” Maliban kay Tolentino, dumalo din sa seremonya sila Dr. Ricmar Aquino, ISU President, Isabela Board Member Napoleon Hernandez bilang kinatawan ni Governor Faustino G. Dy III, Mayor Faustino Francis Dy ng Echague, Isabela,Dr. Rex Navarro, Adviser ng CCAFFS-SEA at Consultant ng Philippine Agricultural Journalists, Inc. (PAJ), RTD Robert B, Olinares, RTD Rose Mary G. Aquino at iba pang national at local officials.