Dalawampu’t limang mga lokal na investors ang makikinabang sa mga teknolohiyang iprinesenta ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) kamakailan sa isinagawang 1st Technology and Investment Forum sa DA-Cagayan Valley Research Center (CVRC), San Felipe, City of Ilagan, Isabela.
Ang mga teknolohiyang nabanggit ay hindi lang nakatuon sa produksiyon sa palay, mais, mani, munggo, soya, gulay at prutas kundi sa mga developed products mula sa mga ito na maaring gawing pagkakitaan o negosyo.
Sa kanyang pananalita, sinabi ni Regional Executive Director Narciso A. Edillo ng DA-RFO 02 na patuloy niyang susuportahan ang mga aktibidad ng ahensiya sa Research & Development (R&D).
“Ako ay naniniwala sa kahalagahan ng R&D sa pagsulong ng sektor ng agrikultura at ekonomiya ng ating bansa,” aniya.
“Titingnan natin na may pondong nakalaan kada taon. Bibigyan natin ng suporta ang ating mga researchers upang magpatuloy sila sa pananaliksik sa mga makabagong paraan ng pagtatanim, marketing at pagpoproseso.”
Ayon pa sa direktor, ang teknolohiya na hindi naipapakilala at tinatanggap ng publiko ay walang kabuluhan. Naging pangunahing panauhin at tagapagsalita ang dating kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka na si William D. Dar na ngayon ay Presidente ng Inang Lupa Movement. “Sumasaludo ako sa pamunuan ng DA-RFO 02 sa inisyatibong ipakilala at ipasa ang mga generated technologies sa mga interesado,” ani Dar. Si Dar ay kilala bilang researcher hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.
Siya ay naging Director General ng ICRISAT, India sa maraming taon. Samantala, sinabi naman ni Regional Technical Director for Research and Regulatory Rose Mary G. Aquino na ang nasabing forum ay bilang tugon sa battlecry ng DA-RFO 02 na “Cagayan Valley Towards Agri-preneurship.”
Ipinahayag nito na ang aktibidad ay siyang kauna-unahang pagkakataon sa rehiyon na ang mga researchers, users at investors ay nagkaisa sa isang lugar at direktang mag-usap tungkol sa mga teknolohiya.
“Ang magandang resulta ay nagkaroon ng pirmahan at pagpapalabas ng technology transfer certificate. Ibig sabihin ay maipapaabot na natin sa nakakarami ang mga produkto na bunga ng research,” aniya.
Idinagdag pa ni Aquino na sa susunod na taon ay gagawin nang nasyonal ang forum upang mas malawak at malayo ang mararating ng mga matured technologies demand ng DA-RFO 02.
Umaabot sa apat na daan ang dumalo na kinabibilangan ng mga magsasaka, kooperatiba, asosasyon, lokal na pamahalaan, consumers, akademya at investors.#