Pasay City, Philippines — Pangungunahan ngayong araw ng mga lalawigan ng Isabela at Cagayan ang pagtanggap ng awards bilang natatanging mga Provincial Local Government Units (PLGUs) sa taunang Rice Achievers Awards (RAA) na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City.
Kasama ang ilang mga outstanding na probinsiya, munisipiyo, Irrigators Association (IA), Small Water Impounding System Association (SWISA), Agricultural Extension Workers (AEWs) at Local Farmer Technicians (LFT) sa buong bansa, inaasahang personal na tatanggapin ni Governor Faustino G. Dy III ng Isabela at Governor Manuel N. Mamba ng Cagayan ang nasabing parangal.
Ang limang outstanding provinces sa Category A ay binubuo ng Bulacan, Cagayan, Isabela, Nueva Ecija at Zamboanga del Sur. Sa Category B naman ay ang Kalinga at Zamboanga Sibugay.
Sila ay tatanggap ng tropeo at apat na milyong pisong cash reward na dapat nakatuon sa mga proyekto na isasakatuparan ng probinsiya sa paglago ng rice industry sa kanilang nasasakupan.
Sa outstanding municipal LGU, ang San Mateo, Isabela ay nakabilang sa labinglimang pararangalan. Inaasahang tatanggapin ni Mayor Crispina Agcaoili ang tropeo at isang milyong pisong reward.
Sa kategorya ng Irrigators Association (IA), nakuha ng Bagong Silang IA ng Alicia, Isabela ang award at cash reward na P500,000.00.
Tatanggap naman ng tig P20,000.00 ang walumpong AEWs sa Rehiyon Dos na paparangalang natatanging extensionists. Sa 80 na awardees, 42 ang galing sa Isabela, 19 sa Nueva Vizcaya, 17 sa Cagayan at 2 sa Quirino.
Ang opisyal na awarding sa mga AEWs ay gaganapin sa susunod na mga araw sa rehiyon.
Sa special awards at citation, kabilang ang Nueva Vizcaya sa limang probinsiya na mabibigyan ng tig P500,000.00 kasama ang Pangasinan, Bukidnon, Bataan at Camarines Norte at Lucban SWIP, Benito Soliven at Aneg SWIP, Delfin Albano, Isabela sa IA.
Pangungunahan naman ni Regional Executive Director Lorenzo M. Caranguian ng DA-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang delegasyon mula sa Cagayan Valley.
Inaasahan na maging masaya at makabuluhan ang awarding ceremonies sa presensya ng mga opisyales ng DA at mga attached agencies sa pamumuno ni Kalihim Emmanuel F. Pinol. Magbibigay din ng kanyang mensahe si Senador Cynthia Villar.
Ang RAA ay isinasagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka taun-taon upang bigyan ng importansiya ang mga magagandang ginagawa ng mga pamahalaang lokal, extensionists at grupo ng mga magsasaka upang mas mapalago ang produksiyon ng palay sa kanilang mga lugar.
Nasa panglimang taon nang implementasyon, ang programang ito ay naglalayong makamit ang kasapatan sa pagkain sa bansa na isa sa mga pangunahing isinusulong ng pamahalaan.
Sa 2017, pitong probinsiya at labinlimang munisipiyo lamang ang nakapasok sa prestihiyosong parangal na ito sa sektor ng agrikultura.