Positibo ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC-02) na maaabot nito ang target na 250 libong naisesegurong magsasaka sa ilalim ng pinalawak nitong mga programa ngayong 2018.
Sinabi ito ni PCIC Regional Manager Edna Marallag dahil mas itinaas pa ang pondo ng kanilang ahensiya ngayong taon, mula sa P2.5 bilyon lamang na pondo ng buong ahensiya noong 2017, tumaas na ngayong ng abot sa P3.5 bilyon.
Ayon kay Marallag, ang kahulugan ng mas mataas na pondo ay mas mataas ding bilang ng maiseseguro at mabibiyayaang magsasaka at mangingisda laluna yaong nasa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Ang nasa registry o listahan na ito ay yaong magsasaka at mangingisda na nasa mababang antas lamang na siyang pinapatikim ng biyaya ng pagpapaseguro ng pamahalaan – nang libre – sa umpisa, upang makitang maganda at itutuloy na ito ng kusa.
Layunin nito na makita at madama ang kahalagahan ng insurance sa harap ng mga banta ngayon ng pagbabago ng klima o climate change, bilang isa sa mga mahahalagang serbisyo ng gubyerno.
Sinabi ni marallag na mula kasi noong nagsimula ang insurance service ng gobyerno ay konti lamang ang nakakakita ng biyaya nito sa hanay ng mga magsasaka, bagamat lumalaki din naman ng bahagya ang bilang ng mga ito, sa bawat taon.
Nitong taong 2017, mayroong 150 libong magsasaka ang nag-insure sa buong sakop ng PCIC region 02. Subalit ngayong taon, dahil sa mandatong kailangang sabayan ng PCIC ang sigasig at mandato ng DA, inaasahang dadami pa ang kanilang maipaseguro.
Ang mga pwedeng ipaseguro sa PCIC ay palayan, maisan, gulayan, makinarya sa pagsasaka, fishpond, fish cages, alagang, hayop at mismong magsasaka o mangingisda. (Contributed report from Vivian de Guzman, DWPE-Tuguegarao)