Bago dumalo sa Internal Budget at Congressional hearings, pinulong kamakailan ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang mga stakeholders nito upang iprisenta ang mga plano at pondo para sa taong 2018.
Ayon kay Regional Executive Director Lucrecio R. Alviar Jr. ng DA-RFO 02, ang konsultasyon ay isa sa mga pangunahing proseso sa pagpaplano ng pamahalaan.
“Kami po ay nagpapasalamat dahil binigyan niyo ng halaga ang pagpupulong na ito. Ang pag-uusapan natin ay hindi lang plano at pondo ng Kagawaran kundi pondo nating lahat,” sabi ni Alviar.
Hinikayat ni Alviar ang mga dumalo na tingnan nang mabuti ang mga nakasaad sa plano upang magkaroon ng komprehensibong mga programa ang Kagawaran na magpapaganda sa kabuhayan hindi lang ng ating mga magsasaka at mangingisda kundi ng bawat Pilipino.
Ipinagbigay-alam din ni Alviar na ang DA-RFO 02 ay mayroong budget ngayong 2017 na 2.7 bilyong piso, ang pinakamataas sa lahat ng RFO sa buong bansa. Umaasa siya na mapapanatili ang pondo o mas lalo pang lumaki ang pondo ng rehiyon sa 2018.
“Layunin nating lahat na ang pondong ito ay magamit sa kapakanan ng ating mga kliyente at naaayon sa General Appropriations Act (GAA).”
Ang konsultasyon ay dinaluhan ng iba’t ibang sector ng agrikultura sa Lambak ng Cagayan.
Mula sa mga national government agencies, dumalo sina Regional Director Sancho Mabborang ng Department of Science and Technology (DOST), Regional Director Roger Aromin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Dumalo rin ang mga Provincial Agriculturists (PA) na sina G. Danilo B. Tumamao ng Isabela, G. Alexander B. Domingo ng Nueva Vizcaya at Dr. Pearlita Lucia P. Mabasa ng Cagayan.
Kasama rin ang mga Civil Society Organizations (CSO) gaya ng mga kooperatiba at iba pang grupo ng mga magsasaka, akademiya at pribadong sektor katulad ng Agricultural and Fishery Councils (AFCs) mula sa rehiyon, mga probinsiya at munisipalidad.
Kanyang sinabi na kung maaprubahan ang mga plano at pondo ay gawin lahat ng Kagawaran ang kanyang makakaya para magamit ang mga ito sa tamang paglalagyan at pamamaraan.
“Maraming salamat sa inyong presensya at suporta,” pagwawakas ni Alviar.