Matagumpay na isinagawa kamakailan ng Department of Agriculture–Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang Regional Business Forum and Matching for Highland and Lowland Vegetables.
Ang dalawang araw na aktibidad ay dinaluhan ng mahigit dalawang daang magsasaka, mga Agricultural Extension Workers (AEW), Overseas Filipino Workers (OFW), processors at mga indibidwal mula sa mga pribado, akademya at mga nasyonal na ahensiya ng gobyerno.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Regional Technical Director Orlando J. Lorenzana na dapat magaling ang farmer sa pagpili pa lamang ng barayti ng gulay na itatanim.
“Mahalaga rin dito na dapat market-oriented ang kanilang mga itinatanim at mayroon na sanang handang pagbentahan ng produkto pagkatapos anihin.”
Kanyang hinikayat ang mga nagtatanim ng gulay na palawakin pa ang kanilang kaalaman sa teknolohiya.
“Higit sa lahat, dapat din na dekalidad ang mga produkto upang mapangalagaan ang inyong kita.”
Isa sa mga pangunahing bahagi ng programa ay mga lektiyur sa mga programa katulad ng pagbibigay ng pautang, teknikal na tulong sa produksiyon at pagproseso, market matching at marami pang iba.
Nabuo rin sa nasabing pagtitipon ang Regional Vegetable Industry Council at napili bilang Chairman si Ginoong Gilbert Cumila, General Manager ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Samantala, umaasa si Ginang Vivien delos Santos, Hepe ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na maging tulay ang forum upang magkaroon ng mas malakas na ugnayan ang mga stakeholders sa produksiyon ng gulay.
“Ang council ay dapat mag-isip, gagawa ng mga magagandang plano at isakatuparan ang mga ito dahil sila ang boses ng mga maliliit na prodyusers.”
“At para maging tuluy-tuloy ang tagumpay ay gawin na nating taun-taon ang pagsasagawa ng ganitong aktibidad upang mas madalas ang pag-uusap at mas mapadali ang mga transaksiyon natin sa loob ng industriya.”
Ang aktibidad ay pinangunahan ng AMAD at High Value Crops Development Program (HVCDP) sa tulong ng buong pamunuan ng DA-RFO 02.