Isinagawa kamakailan ang groundreaking ceremonies ng Iraga, Solana–Bayabat, Amulung, Cagayan Farm-to-Market Road na pinondohan ng Philippine Rural Development Project (PRDP). Ang nasabing kalsada ay mayroong kabuuang distansya na dalawampung kilometro at may pondong mahigit na 198 milyong piso.
Ayon kay PRDP Regional Program Director at Regional Executive Director Lucrecio R. Alviar Jr., ng Department of Agriculture–Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), ang proyektong ito ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng World Bank, Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 at Provincial Local Government Unit ng Cagayan.
“Ang kalsadang ito ay inyo kung kaya’t kayo ay mayroong karapatan na magsabi sa amin kung may mga problema man sa pagkakagawa nito sa susunod na mga araw,” ani Director Alviar.
“Inaasahan na matatapos ang ating proyekto sa loob ng isang taon at apat na buwan ayon sa plano. Magtulungan tayo upang mapabilis ang pagkakagawa nito.”
Sinang-ayunan naman ni Governor Manuel N. Mamba ng Probinsiya ng Cagayan ang pahayag ni Alviar.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng gobernador na ipaalam agad sa kanya sa pamamagitan ng text kung may mga mapapansing di kanais-nais sa implementasyon ng proyekto.
“Huwag kayong matakot na magsumbong sa akin para hindi masayang ang pera ng pamahalaan. Narito ang gobyerno upang magpatupad ng mga ganitong programa na makakatulong sa nakakarami nating mga kababayan,” aniya.
Sinabi naman ni Mayor Nicanor de Leon ng Amulung, Cagayan na ito na ang pinakamalaking proyekto na maisasakatuparan sa probinsiya partikular sa kanyang bayan.
“Sa ngalan po ng mga mamamayan ng Amulung, ako ay lubos na nagpapasalamat sa malaking tulong na ito ng gobyerno,” aniya.
Sa kanyang mensahe, sinabi rin ni Mayor Jennalyn Carag ng Solana, Cagayan ang kanyang pasasalamat sa World Bank, DA at Provincial Government ng Cagayan.
“Napakalaking tulong ito sa aming bayan dahil kalsada ang isa sa mga pangunahing kailangan ng aking mga constituents,” dagdag nito.
Ang PRDP ay isang ispesyal na programa ng pamahalaan at naisasakatuparan ito sa pamamagitan ng DA at pamahalaang lokal.
Ito ay anim na taong proyekto na mayroong kabuuang pondo na 28 bilyong piso mula sa World Bank. Pormal na nag-umpisa noong 2014 at magtatapos sa 2020.
Layunin nito ang pagbibigay ng mga mahahalagang aktibidad upang mai-angat pa ang kabuhayan ng mga maliliit na mga magsasaka at mangingisda.
Ang PRDP ay makikipagtulungan sa mga pamahalaang lokal upang pondohan ang mga proyekto sa pamamagitan ng 80-10-10 counterparting scheme sa imprastruktura at 60-20-20 naman sa business enterprise.